Callalily, Mayonnaise, Jay Durias, Ruru Madrid nakisaya sa #2022getherSaNET25 countdown
NAGING matagumpay ang isinagawang year-end countdown ng NET25 na ginanap sa Philippine Arena para salubungin ang pagpasok ng 2022.
Taong 2020 ang huling may isinagawang countdown sa Philippine Arena. Noong nakaraang taon, dahil sa ipinatutupad na restrictions at health protocols dahil sa pandemya ay wala munang isinagawang kahit anong event doon.
Bukod sa hatid na saya ng mga live performances ay may mga mapipiling winners sa “Selfie with the Agila” promo.
Habang nanonood kasi ang netizens sa naturang programa ay maaaring mapanalunan ang isang brand new car at iba pang bonggang papremyo.
Bukod dito, may cash prizes din — limang winners ang mananalo ng P100,000, dalawang winners ng P50,000, limang winners ng P25,000, 25 winners ng P10,000, at 25 winners naman ng P5,000.
Ang mga nanalo sa “Selfie with the Agila” promo ay iaanunsyo sa mga programang “Kada Umaga” at “Ano Sa Palagay N’yo (ASPN)” hosted by Ali Sotto and Pat-P Daza.
Unang nag-perform on stage si Callalily frontman Kean Cipriano kasama ang kanyang banda, sinundan ito ng “Magandang Dilag” hitmaker na si JM Bales, ang actor-singer na si Ruru Madrid, ang rapper na si Rapido, ang acoustic singer na si Princess Velasco at ang south border lead vocalist na si Jay Durias. Nagkaroon din sila ng duet ng “With a Smile” ni Maureen Schrijvers.
Nagpakitang-gilas naman sa dance floor sa saliw ng mga sikat na TikTok dance craze sina Athena Madrid, Jon Lucas at Emma Tiglao.
Present din sa Philippine Arena ang cast ng “Quizon CT” na sina Eric Quizon, Epy Quizon, Vandolph Quizon, kasama si Jenny Quizon.
Ang naturang pagsalubong sa Bagong Taon ay pinangunahan ng “Kada Umaga” morning show hosts na sina Pia Guanio-Mago, Emma Tiglao, Maureen Schrijvers, Tonipet Gaba at Wej Cudiamat kasama pa si Alex Calleja.
Tumagal ng mahigit 30 minutes ang fireworks display sa pagsalubong sa 2022. Isa rin sa highlight ng naturang pailaw ay ang lumilipad na “Agila.”
Natapos ang year-end countdown sa bonggang performance ng bandang Mayonnaise.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.