Gutom sa bakbakan: Sundalo sinuplayan ni PNoy ng kendi
NITONG Biyernes napasugod si Pangulong Aquino sa Zamboanga City para personal na makita ang ginagawang operasyon ng militar laban sa MNLF.
Maganda na sana ang ginawa ni PNOY na ipakita ang suporta niya sa mga miyembro ng kasundaluhan na nakikipaglaban sa MNLF at ang pagdalaw niya sa mga sundalong nasugatan sa bakbakan. Nangako pa nga siya ng tulong pinansiyal para sa mga nasawing kawal ng gobyerno at maging sa mga nasugatan.
Marami lamang ang nagtaka kung bakit imbes na pagkain at mga kagamitan sa pakikipaglaban, ang ipinamigay ni Aquino ay mga energy drink, kendi, tsokolate at mga cell card.
Bago kasi tumulak si Pangulong Aquino papuntang Zamboanga City, iniuulat na sa media na hirap sa pagkain ang mga sundalo. Batay sa mga panayam sa mga kawal ng gobyerno, lugaw lamang inaalmusal nila at may kuha pa na nanghihingi sila ng pagkain para lamang makaraos sa kanilang gutom. Hindi ito maikakaila ng gobyerno dahil lumabas ito sa telebisyon at mga pahayagan.
Kumalat din sa mga social networking sites ang mga larawan ng ating mga sundalo — ang gamit nilang mga combat boots na gutay-gutay at tanging mga sinulid lang ang nagdudugtong sa halos magkalas na bota.
Tsk, tsk, tsk…. sinong hindi mapapamura pag ganito ang nakikita mo lalo pa’t harap-harapan kang niloloko ng gobyerno sa mga sinasabi nito na natutugunan na ang pangangailangan ng kasundaluhan at maging ng kapulisan.
At dobleng mura pa ang masasambit mo dahil sa dinaranas ng ating mga sundalo habang ang gaya ni Janet Lim Napoles at kanyang mga kasabwat na senador at kongresman ay nagpakasaya sa bilyun-bilyong pisong pera ng bayan.
Halatang elitista kung sino man ang nagpayo kay PNOY na kendi at tsokolate ang ipamahagi sa mga sundalong nakikipaglaban. Kahit pa sabihing ang mga ito ay donasyon lamang, wala bang pondo ang gobyerno para bigyan naman ng disenteng pagkain ang ating mga sundalo?
O baka naman hindi naiparating kay PNOY na nakakaranas ng gutom ang mga sundalong nagbubuwis ng buhay doon sa Mindanao at nakikipagbakbakan sa MNLF. Sino ba naman ang tatagal sa labanan kung lugaw lamang sa umaga ang ipapakain sa mga nakikipagera?
Sa pangyayari sa Zamboanga City, makikita pa rin ang pangit na kondisyon ng ating mga sundalo. Habang bilyong-bilyong piso ang nalustay dahil sa pork barrel scam, nakakaawa pa rin ang kondisyon ng ating mga sundalo na nagbubuwis ng buhay para sa bayan.
Noong Biyernes ng gabi, inihayag ni Vice President Jejomar Binay na nakikipag-usap siya kay MNLF Chairman Nur Misuari at Defense Secretary Voltaire Gazmin para magkaroon muna ng ceasefire mula hatinggabi. Parehong produkto ng UP sina Binay at Misuari kayat may direkta silang komunikasyon sa isa’t-isa. Sa kabila naman ng pahayag ni Binay na may ceasefire na ngang napagkasunduan, sinabi naman ng PNP sa Zamboanga na niretweet naman ni Communications Secretary Ricky Carandang na walang direktiba sa kanila para sa ceasefire at tuloy ang kanilang operasyon.
Sa ganitong maselang isyu, bukod sa dapat ay nagkakaroon ng koordinasyon sa ating mga pinuno, hindi ba dapat ay isantabi muna ang pulitika? Alam nating naroon sa Zamboanga City si DILG Secretary Mar Roxas matapos na rin ang kautusan ni PNOY na pangunahan ang operasyon doon. Ngunit dahil sa walang nangyayaring pagbabago sa sitwasyon sa krisis sa Zamboanga, na nasa ika-anim na araw na habang isinusulat ang kolum na ito, hindi ba marapat na lahat ng pwedeng tumulong para matapos ang gulo sa lugar ay payagan?
Batay sa kanyang pahayag, sinabi ni Binay na nakatakda siyang pumunta sa Zamboanga para pangunahan ang direktang negosasyon. Hindi lamang ang buhay ng mga hawak na bihag ng MNLF ang nakataya rito, kundi ang buong operasyon ng Zamboanga na paralisado na ng ilang araw at maging ng buong bansa. Habang tumatagal ang labanan, lalong lumalaki ang epekto nito sa bansa. Malayo pa ang 2016 para ituon ng ating mga opisyal ang kanilang pansin kung paano makakapaghanda sa presidential elections.
Isa pang reklamo ang idinulog ng isang mambabasa ng Bandera. Ito’y mula kay Dondon ng Maguindanao. Inirereklamo ni Dondon ang DepEd sa ARMM. Ayon sa kanya marami silang aplikante sa DepEd, Autonomous Region. Aniya, matagal nang nakatengga ang kanilang application form at bagamat pirmado na ang kanilang appointment papers, hindi pa rin ito naifoforward sa Civil Service Commission kayat hindi sila makapagsimula sa kanilang trabaho.
Attention ARMM Gov. Mujiv Hataman, kung hindi nagtatrabaho ang DepEd ARMM, kayo na ang kumalampag. Matagal nang natapos ang eleksyon noong Mayo, 2013, panahon na para magtrabaho na kayo ng maayos. O baka naman dating sistema pa rin ang pinaiiral sa ARRM. Ayaw ni PNOY niyan. Dapat ay tuwid na daan na ang ipinapatupad ninyo.
Para sa komento o tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.