Pamilya ni Lassy nasangkot sa malaking kaso: Ako ang pinuntirya nila, gusto akong itumba | Bandera

Pamilya ni Lassy nasangkot sa malaking kaso: Ako ang pinuntirya nila, gusto akong itumba

Reggee Bonoan - December 08, 2021 - 04:48 PM
Pamilya ni Lassy nasangkot sa malaking kaso: Ako ang pinuntirya nila, gusto akong itumba

ILANG beses na naming narinig na lahat ng mga komedyante na magaling magpatawa sa harap ng kamera ay kabaligtaran ng personalidad nila sa totoong buhay.

Isa na riyan si Lassy Marquez na miyembro ng Beks Battalion kasama sina Chad Kinis at MC Calaquian.

Una naming napanood sa Punchline sa may Quezon Avenue si Lassy at talagang tuwang-tuwa kami sa kanya dahil ang galing talaga niyang magbato ng jokes pero hindi pumapasa sa partner niyang si MC kaya panay batok ang natitikman niya.

Inisip nga namin noon na hindi ba ito napipikon? Hindi ba siya nasasaktan kasi tunay na batok talaga yun dahil dinig na dinig yun ng mga taong nakaupo sa harap.

Minsan itutulak pa siya na muntikan nang mangudngod sa dingding pero nakatawa pa rin siya at dire-diretso pa rin sila sa pagpapatawa kaya lagi silang binabalik-balikan ng customers.

Ang saya-saya ng pakiramdam namin kapag umuuwi na kami kasi nga pinag-uusapan pa namin ng mga kasama ko ang senaryo, samantalang si Lassy na nasa dressing room at nagtatanggal na ng make-up ay wala ng bakas ang saya sa mukha.

May dahilan pala ang lahat at nalaman namin ito nang mapanood namin ang no holds barred interview niya sa YouTube channel ni Ogie Diaz.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by 🇵🇭🇦🇺🇯🇵🇬🇧🇺🇸🇨🇦🇨🇭🇰🇷🇮🇪🇳🇿🇮🇹🇫🇷🇭🇰🇸🇬🇲🇾 (@akolassy)

Pagpapakilala ni Ogie kay Lassy, “Hindi po mayaman si Lassy ha, pero mayaman siya sa mga karanasan, sa struggles, hardships, sa ordeal ng kanyang buhay.”

Apat na magkakapatid sina Lassy at siya ang panganay na base sa kuwento niya ay simpleng bata lang siya noon na nangangarap makapagtrabaho sa opisina pero second year college lang ang natapos niya.

Unang trabaho ng komedyante ay data encoder hanggang sa maging sales executive sa publishing company na hindi niya gaanong gusto pero dahil pangarap niyang makapasok sa opisina kaya sige lang. Pero bigla ngang nabago ang direksyon ng buhay niya.
Bata palang ay alam na ni Lassy na magaling siyang magpasaya ng tao dahil makulit na siya, lalo na noong nagtitinda siya ng banana cue.

Sa murang edad ay iniwan na si Lassy at isang kapatid niya sa Maynila dahil ang magulang niya ay pumunta ng Palawan para magtayo raw ng negosyo pero hindi nagtagumpay kaya walang maipadalang pera sa kanila kung saan nakatira sila sa tiyuhin niya na nagtatrabaho sa factory.

“’Yung uncle ko nagkaroon ng dyowa so napabayaan kami, so bilang panganay ako dapat ang mag-alaga sa pangalawang kapatid ko, sabi ko kung hindi ako kikilos wala tayong makakain,” say ni Lassy.

Pumasok siya sa kapitbahay nila para magtinda ng isang bilaong banana que na iniikot sa buong lugar nila.

“Pero hindi ko pinapaubos, magtitira ako ng dalawa tapos pag ibinalik ko (sa kapitbahay) hindi nila kukunin at ibibigay sa akin kaya meron kaming dalawa nu’ng kapatid ko. Ini-staylan ko. Ha-hahaha! Pero minsan lang naman kasi baka makahalata,” natawang pag-alala ni Lassy

Dagdag pa niya, “Tapos sasahuran ako ng limang piso ng mga panahong iyon. Five pesos is napakalaking halaga na sa amin noon. Tapos bibili ako ng toyo, mantika, kaning lamig hihingi ako sa kapitbahay namin para may pangkain na kami, ganu’n kahirap ang buhay namin (magkapatid).”

Pati ang mga ipinamimigay na pagkain for charity ay nakipila rin si Lassy at ang kapatid para may pangtawid gutom at nagbihis silang mahirap para magmukhang batang lansangan, ‘yun ang diskarte raw nila.

Inamin ding nasubukan nilang matulog na walang laman ang tiyan at wala naman silang magawa kundi magtiis.

“Masuwerte pa rin ako kasi hangga’t may bahaw ang kapitbahay namin, makakakain kami,” aniya pa.

Siguro kung hindi nalugi ang negosyo ng magulang sa probinsya ay tuluy-tuloy ang padala sa kanilang magkapatid at hindi nito mararanasan ang maghirap ng husto.

Tanong ni Ogie, “Masaya baang buhay ni Lassy?”

“Sobrang saya (ngayon),” nakatawang sambit ng komedyante dahil maayos na ang buhay niya.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by 🇵🇭🇦🇺🇯🇵🇬🇧🇺🇸🇨🇦🇨🇭🇰🇷🇮🇪🇳🇿🇮🇹🇫🇷🇭🇰🇸🇬🇲🇾 (@akolassy)

Sundot ni Ogie, “So nu’ng mga nakaraang taon, ‘yung sayang napapanood nila, e, ‘yun din sa tunay na buhay?”
“Actually hindi nila alam, eh.  Komedyante, akala nila sobrang saya mo lagi, pero hindi!  May mga tinatago ka rin namang mga lungkot  na dapat lang panghawakan mo ito kasi komedyante kailangang i-manage mo talaga ang sarili mo.

“Maging propesyonal ka sa mga ginagawa mo kasi bilang larangan mo na komedyante ka ‘wag mong papakita sa mga taong malungkot ka.  Paano ka magpapasaya ng mga tao kung ikaw mismo malungkot?
“Dapat matuto kang i-handle lahat ng sitwasyon, set aside mo muna ang problema mo kasi may mga taong responsibilidad mong pasayahin,” paliwanag ni Lassy.

May pagsubok sa buhay na hinding-hindi malilimutan ng kaibigan nina Chad at MC, “Ito ‘yung mga panahong nangyari sa pamilya ko, sobrang hirap.  Isang malaking gulo na nasangkot ang aking tatay, 2010 (taon).

“Isang malaking gulo sa lugar namin….nakadali siya ng tao,” seryosong sabi ni Lassy.
“Ano ito, inuman?” tanong ni Ogie.
“Hindi inuman, may mga nag-iinuman doon kasi mayroon kaming pinapaupahang maliit na bahay doon na nabili ng tatay ko.

“Nagkaroon na pala ng dating history noon between sa kapatid ko and doon (kalaban), so parang hindi yata makalimutan ‘yung nangyari kaya kapatid ko binugbog, so naospital. Ako ‘yung nagagalit sabi ko, ‘ano ba ‘yan, gastos na naman!  Bakit kayo ganyan?’ So ginastusan ko.

“Tapos lumipas na ang panahon, so dumalaw ang tatay ko, may nag-iinuman doon nagkagulo hindi ko na alam ang pangyayari.  Nagkabasagan (bote) na, hanggang sa nagkasaksakan.  Tatay ko lang nandoon (dayo).
“So, tatay ko nakasaksak ang daming tao na, tinawagan ‘yung pamilya ko na nu’ng time na ‘yun wala ako. Pauwi palang ako.  Nagpunta doon ‘yung kapatid ko na naospital (dati) at ‘yung isa, nadamay sila. Tatlo silang dinampot,” balik-tanaw ni Lassy.

At ang reaksyon ni Lassy base sa tanong ni Ogie, “Siyempre tulala ako!  Kasi alam mo ‘yung nagtatrabaho ako na nakakapag-ipon ako na itinataguyod ko ang pamilya ko na tumira kami sa ganitong bahay, malaking bahay ang kinuha ko na nagre-rent kami.

“Nagtayo pa ako ng negosyong computer shop para sa kanila.  Isipin mo naghahanap-buhay ako, may malaking bahay, may negosyo sila tapos malalaman mo ganyan, so, nu’ng dinampot silang tatlo natulala ako, wala ako sa sarili.

“Hindi ako makaalis, hindi ako makalabas. (Iniisip ko), paano kung malaman ng ibang tao na ganito ‘yung nangyari sa pamilya ko?  Magkakaroon pa ba ako ng trabaho?  Aalisin ba nila ako?  Tatanggalin nila ako?  So, ang hirap, anong gagawin ko?

“So, nagtatago rin ako habang ‘yung nanay at kapatid kong bunso sila ‘yung nag-aasikaso habang ako tulala. Tapos iniisip ko na makukulong sila at pag nakulong sila lahat ng inipon ko mapupunta ro’n. So, siyempre nakulong kaya ‘yung nirerentahan namin kailangan naming umalis kasi ginugulo na kami,” pagtatapat ng komedyante.

“Anong panggugulo ang ginagawa sa inyo?

“’Yung pupuntahan ‘yung bahay mo tapos babatuhin.  Binabato na, tatlo lang kaming nandoon, nanay ko matanda na, bunsong kapatid ko paalis pa.  So, anong gagawin natin?

“Umalis tayo dito kaysa masangkot tayo kasi ang pinupuntirya nila ako.  Kasi sabi, ‘itumba natin kung sino ang kumikita ng pera.’  Me ganu’n pagbabanta.

“Nu’ng panahong iyon may kotse na ako, sabi ko sakay lang bahala na kung saan tayo mapadpad, wala tayong bitbit na gamit.  Binitbit ko lang pera ko. Hinahabol kami ng mga traysikel hanggang sa maitawid ko na at huminto na sila, hindi sila makaano (makasunod kasi wala na sa linya ng biyahe).

“Iyak lang ako nang iyak habang nagda-drive hanggang sa napadpad ako sa isang food chain sa parking, doon na ako umiiyak. (Sabi ko), dito na tayo magpalipas ng gabi tapos saka nating isipin kung anong mangyayari bukas,” detalyadong kuwento ni Lassy.

“Nakakulong na sila (kapatid at tatay) pero hindi pa rin kayo tinatantanan,” tanong ni Ogie.

“Nagpa-blotter na ako kasi hindi rin ako makapasok ng comedy bar kasi may pagbabanta rin kasi gusto akong itumba kasi ako lang ang kumikita. Kasi pag ako ang itinumba, wala ng suportang manggagaling sa akin para sa (mga nakulong). Magugutom mga ‘yun pati pamilya ko,” saad nito.

At habang nakakulong ang mga kapatid at ama ay walang ginawa si Lassy kundi magtrabaho nang magtrabaho at nang malaman daw ni Vice Ganda ang nangyari sa kanya ay nangakong isasama siya sa lahat ng raket para may pangsustento siya sa pamilya niya.

“Sobra akong tuwang-tuwa kaya wala akong ginawa kundi pagbutihin ang trabaho ko. Nagpakasipag ako nang husto para hindi sila mapilay (pamilya),” emosyonal na sabi ni Lassy.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

 

View this post on Instagram

 

A post shared by 🇵🇭🇦🇺🇯🇵🇬🇧🇺🇸🇨🇦🇨🇭🇰🇷🇮🇪🇳🇿🇮🇹🇫🇷🇭🇰🇸🇬🇲🇾 (@akolassy)

Hanggang sa kasalukuyan ay kargo ni Lassy ang buong pamilya kaya hindi siya puwedeng mawalan ng trabaho.

“Kung hindi ako kikilos, walang mangyayari kaya kailangan kong kumilos. Kasi pangarap kong magkaroon kami ng bahay kasi buong buhay namin, nangungupahan lang kami. Kasi na-experience ko rin na palayasin kami,” humahagulgol pang kuwento ni Lassy.

Related Chika:
Lassy Marquez mabenta sa mga gwapong American at Australian: No money involved talaga!
Ariella Arida sa halikan nila ni Lassy: Pinakamalansa sa lahat ng malansa!

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending