Veteran actress Janice Jurado umaming nag-drugs nang magkabukol sa dibdib
Janice Jurado
MARAMING manonood ang napaiyak at na-inspire sa kuwento ng veteran actress na si Janice Jurado nang mag-guest siya sa nakaraang episode ng “Eat Bulaga.”
Isa si Janice sa mga breast cancer survivors na naging choices sa “Bawal Judgmental” segment ng Kapuso noontime show nitong nagdaang Sabado.
Naikuwento rito ng aktres ang naging karanasan niya sa paglaban sa sakit na cancer at inaming sadya niya itong inilihim sa kanyang pamilya para hindi na mag-alala pa ang mga ito.
Ayon kay Janice, hindi siya agad nagpagamot nang madiskubreng tinubuan siya ng mga bukol sa dibdib dahil baka maapektuhan ang kanyang showbiz career.
“Nag-aartista pa ako noon, hindi ko pwedeng sabihin sa doktor kasi tatanggalin. Kapag tinanggal niya, wala ng hanapbuhay. Alam n’yo naman na ang dibdib ko ang bida noon.
“Kasi noon nga, ako ang breadwinner at saka maaga akong nagkaanak, kailangan ko maka-survive,” kuwento ng aktres nang kausapin nina Paolo Ballesteros at Jose Manalo tungkol sa kanyang naging sakit.
Dugtong pang pahayag ng beteranang aktres, “Wala sa isip ko na may cancer ako. Bukol lang siya. Nag-enjoy nga ako kasi ang daming bukol, e. Hindi kasi lumaki siya lalo.
“Yun ang isa pang dahilan kung bakit ako napasok sa ipinagbabawal na gamot kasi kapag umiinom ako noon, nawawala ang pain.
“Dahil sa pagpasok sa drugs, nawala ako sa movie, nawala rin ako sa TV, doon nag-pain nang nag-pain. Doon ako nag-decide na magpatingin, stage 3 na siya,” dire-diretso pang pagbabahagi ni Janice na nakilala noon sa mga sexy movies.
Kasunod nito, naging emosyonal na nga si Janice habang nagbibigay ng mensahe para sa mga katulad niyang nakikipaglaban sa breast cancer.
“Alam mo, hindi alam ng mga anak ko ‘to. Nanonood sila, hindi nila alam. Kasi, di ba, komedyante ako? Akala nila nagbibiro ako. Sabi ko lang, may bukol lang na tinanggal. Hindi ko sinabi kasi mas maapektuhan pa sila kasi nagtratrabaho sila sa ibang bansa, lalo na yung anak kong babae.
“Saka pinaghuhugutan ako ng lakas ng mga anak ko. Papaano na lang kung ako yung unang babagsak, ako yung unang manghihina, di ba? Ako yung breadwinner, pati yung mga kapatid ko, nakikita nila na malakas ako, nakikita nila na maayos ako.
“Pero kapag nag-iisa na lang ako, nandoon yung mga daing, doon ako sisigaw, nandoon yung mga sakit. Sorry, mga anak, kung hindi ko sinabi sa inyo. Ayaw ko kasi silang maapektuhan, e,” ang lumuluhang pag-amin ng aktres.
Patuloy niyang paalala sa lahat, “Kailangan ang unang-unang susuporta sa ‘yo ay yung inyong mga mahal sa buhay.
“Kahit wala namang sakit, sumusuporta ang mga anak ko, sobra ang pagmamahal ng mga anak ko. From time to time, tine-text ako, pinupuntahan ako, ‘Kumusta ka na, ma?’ Pero di ko sinasabi sa kanila.
“Hindi n’yo dapat gawin ‘yon. Ang dapat n’yong gawin talagang ang unang-unang dapat makaalam ay mga mahal ninyo sa buhay, pamilya,” dugtong pa niyang mensahe.
Pahabol pa niyang advice sa mga Dabarkads, “Maging totoo po tayo sa ating sarili. Maging totoo po tayo sa ating mga kapwa.
“Kasi, kapag tinago po ninyo ‘yan, lalong lalala, huwag n’yo po ako gagayahin. Kahit maliit na maliit lang po na bukol, ipaalam ninyo, patingnan ninyo. Saan ba nagsisimula ang malaki, di ba sa maliit?”
Para naman sa lahat ng mga taong nakikipaglaban sa cancer, “Huwag n’yo ‘tong masyadong dibdibin. I-pray n’yo lang kay God. Kasi, kahit anong gawin n’yo, maglupasay ka man nang maglupasay, nandiyan na ‘yan, e. Mag-pray ka lang kay God at huwag mong gagawin ‘yong mga bawal.”
At tungkol naman sa health condition niya ngayon, “Sobra sa all right, sobra sa okay.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.