ni Ervin Santiago, Showbiz Editor
KUNG may isang artista kaming hinahangaan dahil sa kanyang katapangan at pagiging totoo sa kanyang sarili at sa ibang tao, ‘yan ay walang iba kundi si Marian Rivera. Kung mahina-hina lang kasi ang loob ni Marian, tiyak na nag-quit na ‘yan sa showbiz dahil sa kaliwa’t kanang kontrobersiya at negatibong intriga na kinasangkutan niya.
Nu’ng makausap namin si Marian nang seryosohan, medyo naging emosyonal lang siya dahil nga hindi raw talaga niya inaasahan na maaabot niya ang estado niya ngayon sa buhay. Simple lang naman daw ang mga pangarap niya noon, pero sobra-sobra pa raw doon ang ibinigay sa kanya ng Diyos.
BANDERA: Ang ganda-ganda mo ngayon, ano ba ang beauty secrets ni Marian, bukod kay Dingdong Dantes?
MARIAN RIVERA: Actually, simpleng-simple lang ang mga ginagawa ko, kapag galing ako ng taping, nagtatanggal agad ako ng make-up, madali kasing ma-irritate ang balat ko, madaling mamula kaya kapag hindi ako nakakapagtanggal ng make-up, sigurado kinabukasan, irritated na ang face ko. Tapos naglalagay ako ng moisturizer.
B: Paano mo name-maintain ang ganyang figure? Ang sexy-sexy mo? Mukhang galit sa ‘yo ang mga taba-taba?
M: Sobrang nagpapayat kasi ako dahil sa Darna, alam mo na, si Darna ang galit sa food noon. Pero ngayong tapos na ang Darna, puwede na uling kumain nang kumain. Pero siyempre, kailangan healthy food pa rin.
B: Super yaman mo na ba ngayon dahil talagang mula noong gawin mo ang Marimar, tuluy-tuloy na ang trabaho, wala ka nang pahinga?
M: Hindi naman super yaman talaga. Comfortable lang, ‘yung naibibigay ko ‘yung pangangailangan ng pamilya ko, ng sarili ko. Kahit naman maraming blessings, simple pa rin kami, hindi kami maluho.
B: Marami ka na raw condo dahil sa pag-e-endorse mo sa isang real estate company kung saan nagkalat ang mga billboards mo?
M: Naku, huwag na nating pag-usapan ‘yan. Sa akin na lang ‘yun. Actually, for investment na rin ‘yun, e. Plano kong ipa-rent. Hindi ko naman siya magagamit dahil may sarili na rin akong condo unit. Okay na ako du’n. Sila mommy naman tsaka ‘yung lola ko, may sarili na rin silang bahay sa Cavite.
B: Iba pa ito sa mga ipinatayo niyang apartment na kumikita rin daw nang malaki?
M: Matagal na kasing business ng pamilya namin ang apartment. Actually, si Mama, wala pa siyang asawa, may apartment business na siya. So, naisip ko du’n na rin ako mag-invest. Pero huwag na nating pag-usapan, baka sabihin kasing nagyayabang ako. Pero marami pa akong gustong itayong negosyo. One day, type kong magpatayo ng restaurant. Pero siyempre, kailangan pag-aralan munang mabuti ‘yun. Kinakusap ko rin si Dong tungkol diyan, nagsa-suggest siya sa akin.
B: Balak n’yo rin bang magsosyo ni Dingdong sa business?
M: Kung gusto ba niya, e, why not? Pero ngayon, okay lang na ganito muna. Parang adviser ko siya sa kung anu-anong bagay. Marami siyang sina-suggest sa akin, so, pinag-aaralan muna namin.
B: Iyakin ka ba? Kailan ka huling umiyak?
M: Oo naman, tao lang naman ako. Pero hindi ako madaling paiyakin. Siguro iiyak ako kapag talagang hindi ko na kaya. Hindi ko na matandaan kung kailan ako last na umiyak, parang puro tawa lang ako ngayon, e! Hahahaha!
B: Hindi ka na ba naaapektuhan ng mga masasamang intriga sa ‘yo?
M: Naku, hindi na rin. Parang namanhid na rin ako, kasi di ba, last year, parang lahat na yata ng masasakit na salita naibato na sa akin, pero marami rin ako natutunan du’n. Ngayon, alam ko sa dami ng mga taong nagtatanggol sa akin, okay lang. Magpaka-happy na lang tayo.
Natutuhan ko nang tanggapin sa sarili ko na ito talaga ang kailangan kong pagbayaran sa pagiging totoo ko. Sabi ko nga, as long as wala akong inaagrabyadong tao, wala akong tinatapakan, for as long as marami akong napapasaya, lalo na ang pamilya ko at ‘yung mga nagtitiwala sa akin, solved na ako du’n.
Actually, malaki rin ang nagawa ni Dong sa aspetong ‘yun ng buhay ko, tinuruan niya akong maging mas pasensiyosa, mas mapalawak ang aking pang-unawa. Ngayong ang lagi kong sinasabi, siraan na ako ng ibang tao, sabihin na nila ang lahat ng masasama tungkol sa akin, ang importante pa rin at the end of the day, malinis ang puso ko at wala akong sinasagasaan.
B: Anu-ano ang mga regalo ni Dingdong na talagang tine-treasure mo?
M: Ibinigay niya ‘yung replica ng lahat ng mga karakter ko sa soap. Like ‘yung Darna, yung Dyesebel, tapos nagpagawa din siya ng replica ng Marimar at Proserfina (Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang). Imagine, three months ginagawa ang isang replica, ha. Ganu’n siya katagal gawin. Pero ang kapalit naman nu’n mas bonggang — love! Oh, priceless ‘yun! Tsaka, pinagluluto ko rin siya ng mga gusto niyang food, tulad ng kare-kare.
B: Nag-aaway din ba kayo ni Dingdong?
M: Paminsan-minsan, pero hindi naman ‘yung away talaga. Mga pa-cute na away lang. Pero naaayos din naman agad. Normal lang naman ang ganu’n, di ba?
B: Once and for all, totoo bang kasal na kayo ni Dingdong sa huwes, tinatago n’yo lang?
M: Once and for all, hindi talaga totoo. Sabi ko nga, para sa akin ‘yun ang pinakamahalagang bagay sa dalawang taong nagmamahalan. Kaya hindi ko ’yun itatago. Ipagmamalaki ko pa ‘yun. Tsaka ayoko sa judge lang, gusto ko sa simbahan, pero simple church wedding lang ang type ko.
B: Gaano katotoo na nagtrabaho ka raw sa Mental Hospital bilang teacher?
M: Yes, at ipinagmamalaki ko ‘yun, hindi ko ‘yun tinatago. Maayos naman ‘yung naging work ko sa Mental. Kaya siguro kung hindi ako nag-showbiz, baka nag-concentrate ako du’n sa work ko sa Mental. Nandu’n kasi ‘yung pagpupirsige mo na pakinggan ang mga hinaing nila, ‘yung mga dreams nila kahit hindi mo sila minsan naiintindihan, tapos magiging part ka ng buhay nila hanggang sa gumaling sila. Ganu’n.
Bandera, Philippine Entertainment tabloid, 041910
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.