Na kay VP Leni ang momentum para sa 2022 | Bandera

Na kay VP Leni ang momentum para sa 2022

Atty. Rudolf Philip B. Jurado |
Ibang Pananaw -
October 20, 2021 - 02:03 PM

motorcade sa Cebu City ng supporters ni Vice President Leni Robredo

Isang motorcade ang ginanap sa Cebu City ng mga taga-suporta ni Vice President Leni Robredo. (Dale Israel/Inquirer Visayas)

Mula ng sumiklab ang tinatawag na Pink Revolution sa social media noong October 7, matapos maghain ng kandidatura sa pagkapangulo si VP Leni Robredo, wala pa rin tigil at patid ang mga nagpapahayag ng suporta sa kandidatura nito. Ang social media (Facebook, Instagram, Twitter, Tiktok at iba pa) ay binabaha pa rin hanggang ngayon ng kulay pink at mensahe ng suporta para sa VP.

Noon lang umaga ng Sabado (Oct. 16), ang buong Bicol region ay nagkulay pink nang magsagawa ang mga Bicolano ng kanilang sariling Pink Revolution. Ipinahayag nila ang kanilang pagsuporta sa kandidatura ng VP sa pamamagitan ng pagsagawa ng matagumpay na sabay-sabay na Pink Caravan sa Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Masbate, Sorsogon at Camarines Sur.

Ang eksena sa Bicol ay nakaka-tindig balahibo. Mahabang pila ng mga iba’t ibang sasakyan na may streamer at palamuti na kulay pink, mga tao, pami-pamilya, sa tabi ng kalsada na naka-suot ng damit na kulay pink at nagwawagaygay ng anumang uri na may kulay pink, mga umuulan na pink confetti. At sino ang hindi maaantig sa larawan na ibinahagi sa social media ng netizen (Busy President Leni Robredo Supporter) kung saan makikita ang mag-amang nagbibisikleta na lumahok sa Naga City caravan na may mensahe na  “isang  anak na nakikiisa para sa kaniyang kinabukasan at ama na nakaalalay sa kanyang pagtahak dito”. Ang larawan at ang mensahe na nakasulat dito ay tamang nasabi at direktang naipabatid ang kahulugan ng naganap na caravan. Ang nangyaring Pink Revolution sa Bicol region ay nagpapaalala sa atin ng isang kaganapan na nangyari noong 1978 – ang noise barrage – sa panahon ng martial law, sa ilalim ng diktaturyang Marcos.

Ganito rin ang nangyari sa Cebu City noong hapon ng Sabado. Nagkulay pink ang kalsada ng siyudad matapos magsagawa dito ng Pink Caravan para kay VP Leni. Nagkaroon din ng mga Pink Caravan sa Iloilo City, Bacolod City, Laguna, at iba pang lugar. Kung matutuloy, maaari rin magkaroon ng isang nationwide Pink Caravan sa Oct 23.

Spirit of volunteerism ang naganap sa Bicol region, at sa iba pang lugar na nagsagawa ng Pink Caravan. Ang mga tao dito ay nagkusa at nagkaisa na gawin ito para ipakita ang kanilang suporta sa kandidatura ng VP. Walang politikong nag-udyok at namuno sa mga nakisali sa caravan na gawin nila ito. Walang humakot ng tao upang dumami ang lalahok dito. Wala rin nangakong magbabayad sa mga sasama sa caravan.

Pinag-usapan din ang pagdalo ng VP bilang Guest of Honor at Speaker sa Rotary Club kung saan marami ang namangha sa lalim ng kaalaman nito sa maraming bagay, husay sa pagsalita, totoo at makabayang pagsagot sa mga maselang katanungan, at lalo na sa tama at pinong pagkilos nito sa isang okasyon. Kagalang-galang at presidentiable na presidentiable, sabi nga ng iba. Mga katangian ng tunay na leader ng isang bansa. Mga katangiang kabaliktaran naman ng ilang presidential candidates ngayon.

Ang magagandang nangyayari ngayon sa kandidatura ni VP Leni ay dulot na rin ng bulok at masamang pamamahala ng kasalukuyang gobyerno, partikular ang pagharap at pagresolba sa umiiral na pandemya, usaping corruption at West Philippine Sea. Marami ang dismayado kay Pangulong Duterte dahil inuna at pinrotektahan nito ang mga kaibigan at ang kanyang benefactor na China kaysa sa interest ng taong-bayan at bansa. Ayaw na ng taong-bayan ng isa pang katulad ni Duterte o isang mag-mimistulang “mini me ni Duterte”

Sa ngayon, hindi maitatanggi na na kay VP Leni ang atensyon ng tao. Siguro dahil na rin sa naganap na Pink Revolution at mga sunod-sunod na Pink Caravan sa iba’t ibang lugar na masasabing isang phenomenal na kaganapan, bagay na hindi nangyari sa mga ibang presidential candidates.

Tunay nga na nasa kanya ang momentum…sa ngayon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending