Gigi de Lana nasasaktan pag kinakanta ang ‘Sakalam’; wish maka-collab si Avril Lavigne
Gigi de Lana
BINIGYAN ng bagong meaning ni Gigi de Lana ang Pinoy slang na “Sakalam” sa debut single niya mula sa Star Music.
Power rock ballad ang “Sakalam” na tungkol sa pighati ng isang tao na hindi makabitaw sa karelasyon na nagbago na ang nararamdaman para sa kanya. Kabaligtaran ito ng salitang “malakas” na mas nagpapatindi ng lungkot na ipinaparating ng kanta.
“Habang kinakanta ko ‘yung ‘Sakalam,’ nasasaktan ako. Nilalagay ko ‘yung sarili ko sa song kasi gusto kong kantahin na punong-puno ng soul. Sobrang nakaka-relate kasi sa mga pinagdaanan ko rin sa buhay,” kuwento ni Gigi sa nakaraang virtual mediacon ng Star Music para sa kanyang debut single.
May mensahe rin siya sa listeners na nakararanas ng matinding heartbreak, “Even though ‘sakalam’ talaga siya, pansamantala lang ‘yang nararamdaman mo. Itong song na ito, hindi lang tungkol sa heartbreak. May binibigay din itong positive vibes.”
Bukod sa pagiging kauna-unahang original song ng pinakabagong pop rock diva at tinaguriang breakthrough star ng 2021, ang “Sakalam” din ang unang single sa kanyang debut full-length album na iri-release sa 2022. Sa ngayon, nasa top spot ng Fresh Finds playlist ng Spotify Philippines ang kanta.
Ini-record ng Star Magic artist at RISE Artists Studio talent ang “Sakalam” kasama ang mga miyembro ng The Gigi Vibes band na sina Jon Cruz, Jake Manalo, LA Arquero, at Romeo Marquez.
Isinulat at kinompose ito ni Romeo kasama si Erwin Lacsa, habang si Jon naman ang nag-areglo nga kanta. Si ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo naman ang producer nito.
Nito lang Agosto, inanunsyo ni Gigi ang marami sa mga nakalinya niyang proyekto para sa 2021, kasama na ang pagiging bahagi niya sa Filipino music festival na “1MX Dubai” at ang pag-headline sa sarili niyang “YouTube Music Night” digital concert na parehong gaganapin sa Disyembre.
Damhin ang “Sakalam” na sakit at pakinggan ang debut single ni Gigi sa iba’t ibang digital music platforms. Mapapanood na rin ang music video ng kanta sa ABS-CBN Star Music YouTube channel.
Samantala, isa pa sa mga wishes ni Gigi ay ang maka-collaborate ang ilang international stars na iniidolo niya.
“Gusto kong maka-collaborate sina Hayley Williams and Avril Lavigne kasi sila talaga ‘yung iniidolo ko. Sa kanila lumalabas ‘yung totoong boses ko. Sa kanila ko natutunan kung paano kumanta ng boses ko talaga.
“Kasi kapag naririnig ko silang kumanta, kahit nagsasalita sila, ‘yun ang boses nila. Gusto ko ‘yung iimbibe sa sarili ko na kahit nagsasalita ako, ‘yun din ‘yung boses na ibibigay ko sa music ko,” sey ng dalaga.
Bukod dito, pangarap din niyang makapag-concert sa Amerika kasama ang kanyang banda, “Gusto po talaga namin as a group na makapunta sa US. Iba ‘yung feeling na magpe-perform kayo together na nasa ibang bansa kayo, iba ‘yung feeling.
“Kasi first time ko pupunta sa US if ever mangyari ‘yun. Nakaka-excite. Ang sarap kung kasama ko sila,” aniya pa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.