Carlo pinag-iipunan na ang dream house para sa pamilya; The Company may regalo sa mga plantito’t plantita
Carlo Aquino, Trina Candaza at Baby Enola
PINAG-IIPUNAN na ngayon ng Kapamilya actor-singer na si Carlo Aquino ang pagpapatayo ng dream house nila ng kanyang partner na si Trina Candaza.
Nitong mga nakaraang buwan ay hindi masyadong naging busy si Carlo sa pagtatrabaho dulot na rin ng patuloy na banta ng pandemya kaya naman naging hands-on daddy siya sa panganay nilang anak ni Trina na si Baby Enola Mithi.
Ayon kay Carlo, nang dahil din sa COVID-19 pandemic ay nagkaroon siya ng mas maraming quality time para sa kanyang girlfriend at sa kanilang baby kaya nasusubaybayan niya talaga ang unti-unti nitong paglaki.
“Ngayon lahat nang ginagawa ko ay para sa kanila. Although siyempre may mga gusto pa rin ako, pero siyempre para na rin yun sa future. Naka-focus na kami ni Trina sa pagpapalaki sa kanya (Baby Enola),” pahayag ni Carlo sa “Inside News” ng Star Magic.
Pagpapatuloy pa ni Carlo, “At saka pinaplano na rin namin ‘yung pagpapagawa ng dream house. Hopefully next year or mga two years, kung makakaipon.”
Kuwento pa ng award-winning actor, totoo palang kapag tatay ka na ay maiiba na ang priorities mo sa buhay at talagang kakaibang kaligayahan ang hatid ng kanyang anak sa buhay nila ngayon ni Trina.
Kapag may lock-in taping naman daw siya ay halos araw-araw din niyang nakikita ang kanyang mag-ina sa pamamagitan ng video call.
“Buti na lang si Mommy Trina mahilig mag-send ng videos, ‘yung pagapang-gapang, ‘yung first steps niya. Pinadala na lang sa akin ni Trina.
“Pero ngayon parang mas enjoy na, may interaction na kasi ‘yung ganitong age na nagpapa-cute na siya, nagpapapansin.
“Kapag binawalan mo sumasama na ang loob niya. Kapag may gustong kunin sa iyo, may facial expression na rin siya,” pahayag pa ng aktor.
Sa tanong naman kung papayag ba siyang pumasok din sa mundo ng showbiz ang kanyang anak, “Hindi ko pa alam. Pero kapag nakikita niya ang sarili niya sa camera, tinitingnan niyang maigi.”
Last Sept. 18 ay ipinagdiwang nina Carlo at Trina ang first birthday ni Baby Enola.
* * *
Tungkol sa ligayang hatid ng pag-aalaga ng halaman ang bagong awitin ng Asia’s premiere vocal harmony group na The CompanY na pinamagatang “Disco Plantito, Disco Plantita.”
Kumuha ng inspirasyon ang retro-disco song sa dumaraming plantitos at plantitas ngayon na nakahanap ng libangan sa pagtatanim, isang patunay sa katatagan ng mga Pinoy sa kabila ng matinding pinagdadaanan.
“We thought of coming up with a song that is happy, celebratory, and joyful, and also speaks of the resilience of the human spirit, especially tayong mga Pinoy,” sabi ng isa sa mga myembro ng The CompanY na si Moy Ortiz sa isang MYXclusive interview.
“Ultimately ang ‘Disco Plantito, Disco Plantita,’ ay isang song of hope sa kabila ng matinding hirap na tinatamasa ngayong pandemya,” dagdag ni Moy na siyang sumulat ng lyrics kasama si Edith Gallardo.
Itatampok ang kanta sa isang bagong musical ng Pinoy Playlist Music Festival 2021 na pinamagatang “Da Pinoy Pandemic Palabas,” na mapapanood na sa November 6 sa YouTube at Facebook.
Ito rin ang magsisilbing lead single ng ika-29 album ng The CompanY na kasalukuyan nang binubuo sa ilalim ng Star Music.
Bukod kay Moy (tenor2/bass), kasama rin sa tanyag na quartet sina Sweet Plantado (soprano), Annie Quintos (soprano/alto), at OJ Mariano (tenor).
Sumayaw na sa tunog ng “Disco Plantito, Disco PLantita” ng The CompanY na mapapakinggan na ngayon sa iba’t ibang streaming platforms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.