MATAPOS makoronahan sina Miss Universe Philippines 2021 Bianca Luigi Gomez at Miss World Philippines 2021 Tracy Maureen Perez, isa na namang Cebuana ang hinirang na reyna — si Shanyl Kayle Hofer na itinanghal na 2021 Aliwan Fiesta Digital Queen.
Dinaig ng dalaga mula Minglanilla, Cebu, ang 11 iba pang kandidata sa virtual pageant na nagtapos noong Okt. 9.
Hinirang din siyang “Best in Evening Gown” ng Alfonso Light Brandy.
Tumakbo ng limang linggo ang mga preliminary online competition para sa pageant, na dinaos ng Manila Broadcasting Co. (MBC) bilang katuwang ng taunan nitong Reyna ng Aliwan festival, na pansamantalang isinantabi dahil sa mga pagbabawal sa live events bunsod ng pandemyang bunga ng COVID-19.
Marami na ring Cebuana ang hinirang na Reyna ng Aliwan.
Isinalin ni Jannarie Zarzoso, na nagwagi noong nagdaang taon, ang korona niya sa bagong reyna.
Nagwagi si Hofer ng P50,000 at isang all-expense-paid vacation sa Boracay mula sa Feliz Hotel Boracay, kasama ang pasahe sa eroplano at pocket money.
Hinirang namang first runner-up si Vjie Matias ng San Manuel, Isabela, at second runner-up naman si Chynna Kaye Verosil ng Pangasinan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.