John Wayne tinangkang mangholdap noon: Pero hindi kinaya ng kunsensiya ko
KAHIT lango sa droga at walang-wala na ay hindi pa rin kinayang mangholdap ng dating aktor na si John Wayne Sace.
Ito ang kuwento ni John Wayne nang mag-guest siya sa YouTube vlog ni Ogie Diaz. “Muntik na akong mangholdap dati, oo muntik na,” nakangiting sabi ng aktor.
Pagpapatuloy niya, “Nandiyan na ‘yung babae, nag-iiyak lang. Totoo ‘yun, umiyak. Naglulupasay (kasi) kakasuweldo lang niya no’n. Alam namin ‘yung suwelduhan no’n.”
“O, tapos?” tanong ni Ogie.
“Sabi ko, ate tumayo ka na diyan. Tapos ‘yung kasama ko (sa panghoholdap), kami ang nag-away.
“Sobrang tagal na panahon na ito, dalawa kaming lalaki, dalawa rin silang babae. Tapos inakbayan na kasi ako tututok (patalim sa tagiliran) desperado na rin kasi ano noon sa buhay.
“Pag-iyak niya sabi niya that time, ‘para po ito sa nanay ko’ wala namang sinabing maysakit pero sinabing pera ng pamilya niya ‘yun,” paglalarawan ng aktor.
At nagising siyang bigla nu’ng marinig niyang umiyak ‘yung babae at sa sinabi nitong para sa pamilya niya ang suweldo niya.
“Nakakapanginig hindi dahil nangholdap ka kundi parang bumalik ‘yung dating ako na, ‘uy ano ka ba?’ Hindi ako ‘yun! Hindi ako ‘yung taong ‘yun. Hindi ‘yun si John Wayne,” diin nito.
Dagdag pa niya, “Umiyak ‘yung babae na parang bata, alam mo ‘yung paa niya (inilarawang naglulupasay), ganu’n! ‘Parang awa n’yo na po!’
“Tapos ‘yung kasama ko gigil, gusto nga niya sipain. Hanggang sa kami ‘yung nag-away, magsusuntukan kami nu’ng kasama ko kasi wala raw akong kuwentang kasama mapapahamak lang daw (kami) ganito, ganyan.
“E, sabi ko, ‘pare hindi ko kaya talaga.’ Hindi ako ‘yun kasi pag nagawa ko ‘yun, feeling ko magsusunud-sunod,” aniya pa.
Sa rami ng dinanas sa buhay ni John Wayne na nalulong sa droga at alak ay nagpapasalamat pa rin siya dahil buhay siya ngayon.
“Pasalamat ako buhay ako at hinding-hindi ko ipagpapalit kung anong pagkatao meron ako sa kahit sino. Kung merong pagkakataon na may magsabing palit tayo ng ugali o puso, hindi ako papayag dahil hindi ko pa rin kayang mag-isip ng masama sa kapwa ko,” paliwanag ng aktor.
Tinanong ni Ogie kung paano ang sumunod na pangyayari at hindi siya isinumbong nu’ng babae.
“Itinayo ko siya tapos sabi ko, ‘ate tama na, wala naman akong kukunin sa ‘yo hanggang sa naglakad kami, sabi ko ‘ate dito na ako ha, ‘wag kang sisigaw wala kaong kukunin sa’yo, pasensiya ka na sorry talaga. Hanggang sa tumawid na ako.
“Habang naglalakad kami humingi ako ng sorry, sabi ko ‘ate sorry hindi ko talaga gawain ito, wala lang akong pera at hirap din ako sa buhay,” alaala ni John Wayne.
Nabanggit pa na bago raw niya sana gawin ang mang-holdap ay humingi na siya ng tawad sa Panginoong Diyos.
Bagama’t matagal na itong nangyari ay may mensahe si John Wayne sa babaeng muntikan niyang holdapin.
“Kung sino ka man alam kong hindi mo nakilala nu’ng gabi na ‘yun siguro ikaw pag nakita kila makikilala kita kasi malinaw, eh.
“Pag nakita kita ulit, siguro bigyan kita ng flowers na baka magtaka ka bakit kita binigyan, peace offering koi yon sa ‘yo, deserved mong maging masaya o deserved mong maging ligtas kasi nagtatrabaho ka nang marangal, nang parehas,” saad nito.
Samantala, kasama si John Wayne noon sa drug watch list ng PDEA, nagkaroon pa ng habulan noon at nabaril siya pero walang kasong ikinarga sa kanya pero nakulong siya na hindi droga ang dahilan.
“Nagkaroon kami ng alitan nu’ng kamag-anak ko, limang araw akong nakulong tapos nagkaa-ayos na kami, inurong na yung demanda,” kuwento ni JWS.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.