Pagbabakuna vs COVID-19 sa general population sa Oktubre, aprubado na
INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasagawa ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa general population simula Oktubre.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil marami nang suplay ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa sa mga susunod na araw.
“Ang good news, inaprubahan na ni Presidente ang pagbabakuna ng general population simula po sa buwan ng Oktubre,” pahayag ni Roque.
Payo ni Roque sa mga magulang, ipalista na ang kanilang mga anak.
Kapag kasi aniya nagkaroon na ng masterlist ang pamahalaan, magiging madali na ang pagbabakuna.
Nilinaw naman ni Roque na nanatiling prayoridad sa pagbabakuna ang mga nasa A1 list o ang healthcare workers, A2 o ang mga senior citizen at ang A3 o person with comorbidities.
Mayroon pa rin aniyang express lane sa vaccination sites para sa mga napabilang sa priority list.
Sa ‘Talk to the People’ ng Pangulo, Lunes ng gabi, Set. 27, sinabi nito na base sa report sa kanya ni vaccine czar Carlito Galvez Jr., halos 100 milyong doses ng bakuna ang makukuha ng Pilipinas sasa katapusan ng Oktubre.
“According to Secretary Galvez, we will get a total of at least 100 million doses by the end of October, which means that maybe we can expand the vaccination program to the general population and hopefully also our children within October. Also, we continue to ramp up our vaccination drive and [we] are targeting to administer around a total of 55 million vaccines by October,” pahayag ng Pangulo.
Sa ngayon, 44 milyong katao na ang bakunado sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.