Luis nagmakaawang panoorin ang bago niyang vlog para sa operasyon ni Sopia Amano
Luis Manzano
NAGMAKAAWA ang Kapamilya TV host-comedian na si Luis Manzano sa madlang pipol na panoorin ang bagong vlog niya sa YouTube kasama ang ilan sa kanyang mga kabarkada.
Kasabay nito, inilunsad din ng asawa ni Jessy Mendiola ang kanyang “vlog for a cause” kung saan ang lahat ng kikitain ng ilalabas niyang video ay ido-donate sa mapipili nilang beneficiary.
Ang una ngang matutulungan ng latest vlog ni Luis ay ang 5-taong-gulang na babae na kailangang maoperahan dahil sa malubha nitong karamdaman.
Kaya naman bago magsimula ang kanyang “Guilty or Not Guilty” challenge kasama ang kanyang mga friends, nanawagan siya sa mga netizens na panoorin ang buong video at i-share sa online community.
Sey pa ng anak ni Star for All Seasons Vilma Santos, lahat ng kikitain ng vlog ay ibibigay niya kay Sopia Amano at sa pamilya nito para sa kanyang pagpapagamot.
“Hi guys, agad-agad, pakiusap ko sa inyo please, panoorin niyo itong vlog na ito. Nagmamakaawa po ako, hindi po ito clickbait, hindi po ito pa-cute, hindi po ito may punchline sa dulo,” ang pahayag ng TV host sa simula ng video.
Aniya pa, “Nagmamakaawa ako please watch and share this vlog. Bakit? Dahil one time, nasa social media po ako, may nakita po ako isang batang babae, 5 years old na si Sopia Amano.
“Nakita ko po si Sopia eh, nakalabas po yung tiyan dahil nagkataon po na si Sopia, ipinanganak na walang butas sa kanyang likuran, kaya kailangan ilabas ang kanyang tiyan para mailabas ang dumi niya,” paliwanag pa ni Luis.
“Kahit wala po kayong pakialam sa akin, okay lang. Kahit iwan n’yo lang na naka-on dahil malaki na ang maitutulong niyan. Imagine, makakatulong kayo na hindi kailangang maglabas ng pera o ng kahit ano,” mensahe pa ng komedyante.
Sabi pa ni Luis, susubukan niyang makagawa ng mas maraming vlog para marami pa siyang matulungan na talagang nangangailangan, lalo pa’t napakahirap pa rin ng buhay ngayon dahil sa pandemya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.