Maricel inatake ng nerbiyos sa unang YouTube vlog: Meron kayang manood?
Maricel Soriano
CERTIFIED vlogger na rin ngayon sa YouTube ang nag-iisang Diamond Star na si Maricel Soriano.
Nagsimula ang award-winning actress sa vlogging world nitong nagdaang Biyernes, Sept. 10 kung saan nangako siyang ibabahagi niya sa madlang pipol ang iba’t ibang aspeto ng kanyang buhay im and out of showbiz.
Inamin naman ni Maricel na inatake rin siya ng nerbyos sa pagsisimula ng kanyang YouTube channel dahil baka raw walang manood sa ia-upload na video.
“Ito na ang unang episode sa ating bagong tahanan. Kung saan ibabahagi ko sa inyo ang mga masasaya, maniningning, malulungkot, at makukulay na bahagi ng aking buhay,” simulang pagpapakilala ni Maria sa kanyang vlog.
Aniya pa, “Ninenerbyos ako sa first telecast natin. Meron kayang manonood? Alam ko ‘yung mga fans ko nandiyan, mahal nila ako, papanoorin nila ako. Pero paano natin ime-maintain ‘to? Hindi biro.”
Naisip din niya ang gagawing pamba-bash ng netizens sa kanya lalo pa’t alam niyang may mga tao pa ring nangnenega sa kanya hanggang ngayon.
“Siyempre maraming mamba-bash. Hindi naman lahat ng tao gusto ako. Paano kung hindi nila ako type? Paano na ‘to?” sey ni Maricel.
Aminado rin ang Diamond Star na ito ang unang pagkakataon na inatake siya ng nerbyos mula nang pumasok siya sa mundo ng showbiz.
“First time ako ninerbyos. Hindi nga ako nininerbyos kapag nagsu-shooting ako. Hindi ako ninenerbeyos kapag paramihan ng linya. Naku, paramihan pala ng (subscribers) ‘to,” chika pa niya.
Sey pa ng veteran actress at movie icon, “‘Baka naman hindi ako mag-click diyan ano ba’ sabi kong ganu’n. Siyempre matanda na ako. Siyempre hindi naman ako bagets. Mga bagets lang ngayon ang in. Paano naman ang 56 gaya ko?”
Sa isang bahagi ng kanyang vlog, nagpasalamat din si Maricel sa lahat ng fans na patuloy na sumusuporta sa kanya at hindi pa rin bumibitiw sa pagmamahal sa kanya.
“Maraming salamat sa walang sawa niyong pagmamahal at pagsubaybay sa akin at sana huwag kayong bumitaw sa bawat episode dahil marami pa kayong aabangan at siguradong ikatutuwa ninyo!” mensahe pa ng Diamond Star.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.