LJ wala nang balak balikan si Paolo: Ayoko na pong makausap siya kasi natatakot ako... | Bandera

LJ wala nang balak balikan si Paolo: Ayoko na pong makausap siya kasi natatakot ako…

Reggee Bonoan |September 01,2021
facebook
share this

LJ wala nang balak balikan si Paolo: Ayoko na pong makausap siya kasi natatakot ako…

Reggee Bonoan - September 01, 2021 - 09:53 PM

LJ Reyes at Paolo Contis

SA one hour, six minutes and 39 seconds na panayam kay LJ Reyes ng “The Boy Abunda Talk Channel” kaninang 6 p.m. ay paulit-ulit na binanggit ng aktres na para sa kaligtasan ng mga anak niyang sina Aki at Summer kaya lumayo na silang mag-iina.

Kasalukuyang nasa bahay ng mama niya si LJ kasama ang mga anak sa New York City, USA. Isang linggo na sila roon pero wala siyang binanggit kung hanggang kailan sila sa Amerika basta ang sabi lang niya, “Gusto kong protektahan ang mga anak ko, malayo sa sitwasyon.”

Inamin ni LJ na hiwalay na nga sila ng ama ni Summer na si Paolo Contis at hindi ito mutual decision. Aniya, na-outgrow na ang pagmamahalan nila sa isa’t isa.

Kuwento ni LJ, “Matagal ko nang nararamdaman na nakahiwalay na siya sa amin since last year pa (2020) lagi siyang wala sa bahay na hindi naman talaga siya ganu’n kasi homebody siya at kung maaari nga ayaw na ayaw niyang umaalis ng bahay.”

Dito raw nagsimulang magduda ang aktres at sa tuwing tatanungin niya kung bakit laging wala ito sa bahay ang laging sagot ng aktor, “Alam mo naman kung nasaan ako.”

Maraming mga kaibigang concerned kay LJ na nagkuwento at nagpadala ng pruweba tungkol kay Paolo at ang isasagot nito lagi sa kanya ay, “Paano ako makikilala, e, naka-face mask at face shield ako?”

Sinikap pa rin ng mama nina Aki at Summer na isalba ang kanilang relasyon dahil gusto nga nito ng buong pamilya pero mahirap gawin kung mag-isa na lang siyang bubuo nito.

“Umabot sa point na nag-break na po kami. After a few days, na-realize ko na ‘di pwede ganito. Nagbaba ako ng pride kahit ako ‘yung nasasaktan. Inisip ko baka kailangan nila ng complete family. Tinanong ko siya, ‘if you want to take us back.’ Pero hindi na raw,” aniya.

Maraming araw, linggo, buwan ang tiniis ni LJ at in denial pa siya noon pero maraming gabing binabangungot siya at nagigising na napapansin na ng panganay niyang si Aki kaya tinanong siya kung ano ang nangyayari.

Walang alam si Aki sa pagkakatanggal ng mga larawan nilang pamilya sa Instagram account ni Paolo dahil wala itong social media account.

Sabi ni LJ sa anak, kung may mga tanong ito ay idiretso sa kanya at siya lang ang paniwalaan.

“Ikinuwento ko po sa kanya (Aki) ang mga dahilan kung bakit nangyari ang lahat at sinabi ko sa kanya na ‘I’m sorry for everything.  I wanted a complete family for you and Summer’ tapos tito Boy kinat niya ako ro’n. Ang sabi niya, ‘you complete us mom!’

“Grabe po ‘yung kirot sa puso ko at na-touch po ako sa bata sobra, napaka-sweet po na bata ni Aki talaga at ‘yun po ang pinoprotektahan ko,” umiiyak nang pahayag ng aktres.

Hirap magsalita si LJ, maraming beses siyang natitigilan dahil iniisip niya kung ano ang tamang salitang bibitiwan dahil ayaw niyang idetalye kung ano ang mga dahilan kung bakit sila naghiwalay ni Paolo at anong nangyari sa past months na hindi na sila okay.

Sa tanong kung sinasaktan ni Paolo ang mga anak, “Physically hindi po.” Ayaw naming magbigay ng opinyon sa sagot na ito ni LJ bahala na ang publiko kung ano ang intindi nila sa, “physically hindi po.”

Inamin na rin ng aktres na ayaw na niyang makipagbalikan kay Paolo lalo’t nauna namang nagsabi ang aktor na ayaw na rin nitong magsama sila ulit.

“Ayaw ko na pong makausap siya kasi natatakot ako na baka iba na naman ang sabihin niya sa mga nalaman ko, sa mga na-uncover ko,” say ni LJ.

Hindi rin masagot nang diretso ng aktres ang paulit-ulit na tanong ni kuya Boy kung may third party at bago magtapos ang panayam niya ay muli siyang tinanong at inabot ng 15 seconds bago niya sinabing, “I think po, maraming makakasagot niyan kahit hindi po ako sumagot.”

Isa pang maintrigang tanong sa aktres ay kung may kinalaman sa pera ang hiwalayan nila ni Paolo. Umabot naman sa 17 seconds bago ito sinagot ng aktres, “Priority ko po ang welfare ng mga bata.”

Bilang isa sa nakapanood ng panayam ni LJ ay ramdam namin ang hirap ng pinagdaraanan niya ngayon at intindi rin namin na hangga’t maaari ay ayaw pa rin niyang makasira ng ibang tao. 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Alam din naming ingat na ingat siya sa pagbibitiw ng salita dahil ayaw niya itong mabasa ng nga anak pagdating ng araw.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending