Bagong collab ng Ben&Ben at SB19 matindi ang ipinaglalaban: Huwag n’yong tapakan ang katarungan!
Ben&Ben at SB19
SAKTUNG-SAKTO ang pagri-release ng inaabangang bagong album ng award-winning OPM band na Ben&Ben sa naging desisyon ng korte sa kaso ng pagpatay sa isang mag-ina sa Tarlac.
Kamakalawa, inilabas na ang “Pebble House Volume 1: Kuwaderno” album ng Ben&Ben kung saan nakapaloob ang second collaboration nila sa P-Pop supergroup na SB19, ang “Kapangyarihan.”
Unang nagsanib-pwersa ang Ben&Ben at SB19 sa naging collab nila para sa new version ng hit song ng all-male P-pop na “MAPA”, na isa namang pa-tribute sa lahat ng mga magulang.
Unang ni-release nina Miguel at Paulo Benjamin Guico ang “Kapangyarihan” noong December, 2020 bilang pakikisimpatya ng grupo sa walang-awang pagpatay ni dating police officer Jonel Nuezca sa mag-inang Sonya at Frank Gregorio.
Incidentally, sumabay nga ang release ng new version ng “Kapangyarihan” sa balitang hinatulan na ng “guilty” verdict sa murder case ang nasabing pulis at nasentensiyahan ng Reclusion Perpetua.
Para sa bagong version ng “Kapangyarihan, muling nakipag-collab ang Ben&Ben sa miyembro ng SB19 na si John Paulo Nase (Pablo) para magdagdag ng ilang linya sa lyrics.
“Akala niyo ba, ang kapangyarihan ay nasa inyo? Sino ba kayo? ‘Di naman kami nagkulang sa aming pag-uunagawa.
“‘Di ka namin isusuka kung hindi ka pa sukdulan. Huwag niyong tapakan ang katarungan.
“…Nagsisilbi ka dapat…Nagsisilbi ka dapat,” ang ilang bahagi ng lyrics sa kanta.
Sa ngayon, isa na ang lyric video ng “Kapangyarihan” sa mga top trending music video sa YouTube na daang libo na rin ang nahamig na views.
Bukod sa SB19, nakipag-collab din ang Ben&Ben kay Parokya Ni Edgar frontman Chito Miranda, Moira dela Torre, KZ Tandingan, Zild, Juan Karlos band at Muni Muni para sa kanilang “Pebble House” album.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.