Pangarap ni Gigi de Lana tinupad ni Regine: Bata pa lang ako idol ko na talaga siya
Regine Velasquez at Gigi de Lana
DALAWA sa pinakaaasam na pangarap ng viral Kapamilya singer na si Gigi de Lana ang mabibigyan na ng katuparan.
Tuloy na ang pagpoprodyus ng ABS-CBN Music para sa kanyang debut album at ang pagkakaroon ng sariling digital concert mula sa ABS-CBN Events.
Pagkatapos mag-viral kamakailan dahil sa cover niya ng “Bakit Nga Ba Mahal Kita,” mas maipamamalas pa ngayon ng RISE Artists Studio talent ang galing niya sa pagkanta sa pamamagitan ng kanyang nalalapit na full-length album.
“Nagpursige kami ng The Gigi Vibes band na gumawa ng sariling songs. Du’n kami nag-grow at du’n kami nag-start, so meron po kaming ilalabas na album,” aniya nang humarap sa media sa ginanap na virtual presscon.
Dito rin niya kinumpirma na ilalabas na ang una niyang single sa Setyembre 24.
Isang pasabog na “YouTube Music Night” concert din ang paghahandaan ni Gigi na mangyayari naman sa Disyembre.
“We are preparing for something big and ito inaareglo na ng banda kung ano ba ‘yung gagawin sa mga kanta, gagawa kami ng medley, maraming pakulo. May guests din pero secret pa,” chika ni Gigi.
Makakasama rin siya sa Filipino music festival na “1MX Dubai” na gaganapin nang live sa Disyembre 3.
Unang nakilala ang Rising Viral Star nang sumali siya sa unang season ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime,” kung saan isa siya sa mga naging grand finalist.
Nitong nagkaroon ng pandemya, sinimulan ni Gigi ang online live gig na “GG Vibes,” kung saan nagpe-perform siya ng mga cover kasama ang The Gigi Vibes band at tumatanggap din ng song requests mula sa mga manonood.
Tuloy-tuloy ang pag-ani niya ng papuri habang umaabot sa libu-libo ang live viewers ng “GG Vibes” sa Facebook at YouTube.
Bukod sa pagkanta, sumabak na rin si Gigi sa pag-arte at napanood noong 2020 sa Star Cinema movie na “Four Sisters Before the Wedding.”
Ngayong taon, opisyal na rin siyang naging Star Magic artist nang pumirma ng kontrata sa premier talent management arm ng ABS-CBN noong Black Pen Day.
Bago si Gigi, nauna nang nagtanghal sa “YouTube Music Night” noong Pebrero sina Jona, at sina Juris at Jed Madela. Abangan si Gigi sa kanyang debut album at “YouTube Music Night” concert.
Samantala, sa isang panayam naman sa dalaga, sinabi nito na pangarap din niyang maka-collab ang isang OPM at rap icon, “Sa totoo lang po, si Gloc-9. Si Gloc-9 po, si Gloc-9 kasi sobrang, yo!
“Sobrang galing niya kasi mag-conceptualize ng music, ng words niya, at the same time, yung lyrics niya, nakakadala. Nakaka-affect siya ng maraming tao,” pahayag ni Gigi.
Isa pa sa mga matagal nang pangarap ni Gigi ang natupad nang makapag-perform siya nang live sa “ASAP”. At nangyari raw ito nang dahil sa idol niyang si Regine Velasquez.
“Gusto ko talaga maging regular sa ‘ASAP’. Kaya po ako napasok last time, gawa po ni ate Regine Velasquez-Alcasid. Sinabi niya po sa akin, ‘I requested you to be here,'” aniya.
“Hindi ko ini-expect kasi si ate Regine ang tagal ko na siyang iniidolo. Bata pa lang ako. Pinangarap ko na kahit man lang makita ko siyang ganyan na harapan, kahit hindi ko na siya makausap,” pahayag pa ni Gigi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.