Ano nga ba ang totoong pakay ni Duterte sa pagtakbo bilang VP?
Ibang Pananaw - August 25, 2021 - 07:31 PM
Ipinahayag at kinumpirma kagabi ni Pangulong Duterte sa kanya na namang weekly-late night public address na siya ay tatakbo bilang vice president (VP) sa May 2022 national election.
Ang weekly public address na kung saan ipinaaalam ng pangulo ang mga bagay-bagay tungkol sa nagaganap na pandemya at kung anong solusyon ang ginagawa ng kanyang pamahalaan upang maresolba at labanan ito ay tila naging isang “political campaign” o “political rally” ni Duterte.
Kadalasan sa kanyang weekly public address, mas nabibigyan ng panahon at importansya, lalo na sa media, ang mga pangbabatikos, pagmumura at pang-iinsulto sa mga taong kumokontra sa kanyang mga patakaran (policy) at sa kanyang administrasyon.
Ginagamit din ni Duterte ang okasyong ito para sa kanyang sariling political agenda upang tirahin, insultuhin, paratangan ang mga kalaban nitong mga politiko, partikular ang mga miyembro ng opposition at yung mga maaaring makalaban ng kanyang kaalyado sa national election.
Naisulat na natin noon na ang ating Constitution ay klaro, isang termino (term) lang ang pagkapangulo. Walang iksemsyon (exemption) sa tinakda ng Constitution kaya walang duda isang termino lang si Duterte sa pagkapangulo. Under no circumstances, ika nga sa English, na maninilbihan muli si Duterte bilang pangulo ng ating bansa pagkatapos ng kanyang termino sa June 30, 2022.
Kung totoo ngang tatakbo si Duterte bilang vice-president sa 2022 maaaring indirectly na malabag ang Constitution na mahigpit na nagtakda na “one term policy” lang ang pangulo. Kung tatakbo at mahahalal siya bilang vice-president mula 2022 hanggang 2028, si Duterte ang hahalili at papalit bilang pangulo kung sakaling mamatay, magbitiw sa katungkulan, ma-permanenteng imbalido o matanggal sa katungkulan ang pangulo na nahalal sa 2022.
Hindi natin sinasabi na makikipagsabwatan si Duterte sa kaalyadong pangulong maihahalal sa 2022 na magbitiw sa tungkulin at ibigay ang kapangyarihan ng pangulo muli kay Duterte, bagamat ito ay posibleng mangyari. Ang ating puntos lang ay mailalagay sa sitwasyon si Duterte na maging o magsilbi ulit bilang ating Pangulo. Isang bagay na hindi dapat mangyari dahil ito ay pinagbabawal ng ating Constitution.
Totoo at walang debate dito, na wala naman nakalagay sa ating Constitution na nagsasabi na hindi maaaring tumakbo at magsilbi bilang vice-president si Duterte matapos ang kanyang termino sa June 30, 2022. Pero ang ipinagbabawal ng Constitutional ay hindi maaaring gawin ninuman directly o INDIRECTLY. Mas lalo naman na hindi dapat payagan sinuman na i-circumvent ang ating constitution. Ang pagtakbo at maaaring pagsilbi bilang vice-president ni Duterte sa 2022 ay isang circumvention ng ating constitution upang makaiwas sa one term.
Bukod sa legal issue sa pagtakbo ni Duterte bilang VP sa 2022, nahaharap din siya sa isang moral issue. Ano nga ba talaga ang tunay na dahilan kung bakit gusto niya pang maging VP sa 2022? Ito ba ay dahil sa maaaring “immunity from suit” ng vice president?
Lalong magiging malaking issue ang morality kung tuluyang tatakbo bilang pangulo si Mayor Sara sa May 2022.
Sana isipin mabuti ni Duterte ang mga bagay na ito at huwag ng tumakbo sa May 2022.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.