Talunang pulitiko muling ipakikilala sa publiko sa pamamagitan ng libro
Wacky Leaks - August 25, 2021 - 02:05 PM
Ramdam na ang pulitika sa traditional lalo na sa social media dahil ilang buwan na lang ay magsisimula na ang filing of candidacy ng mga tatakbo sa 2022 national elections.
Pero ibahin natin ang taktika ng bida sa ating kwento ngayong araw dahil mas pabor pa rin siya na ilunsad ang kanyang kandidatura bilang senador sa pamamagitan ng isang libro.
“Dignity and compassion: The life story of…..” ang title ng libro ng beteranong pulitiko na muling susubok sa halalan makaraan ang dalawang sunod na pagkatalo.
Pinaka-masakit ang kanyang sinapit noong 2019 dahil inilampaso siya ng minamaliit niyang kandidato sa kanyang mismong balwarte.
Naging masyado kasing kampante si Mr. Politician noong 2019 dahil ang pakiramdam niya ay siya ang may-ari ng kanilang lungsod ayon sa aking cricket.
Ang malupit pa kumbaga sa basketball sa kanto ay hindi lang puro supalpal ang kanyang inabot kundi tinambakan pa siya ng husto ng nakatapat na pulitiko.
Ngayon ay senado naman ang target ni Mr. Politician pero sa tingin ng marami ay mahihirapan na siyang manalo dahil hindi siya sikat sa mga kabataan na siyang may pinakamataas na voting population.
Bukod sa libro ay gumagawa na rin ng
mini-documentary ang kanyang mga tapat ba alalay na nakatakda nilang ipakita sa ilulunsad na social media page at channel ng matandang pulitiko.
Ipinagmalaki rin ng kanyang mga alipores na hindi rin nila problema ang pondo para isang nationwide campaign dahil marami pa rin daw silang mga kaibigang negosyante.
Hindi na kailangan ng clue dahil kilala pa rin naman kahit paano si Mr. Politician na kabilang sa isang maimpluwensiyang political clan sa bansa sa mga nakalipas na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.