Awra natakot nang tinawagan ng GMA; inakala na scam lang
TAAS noong binalikan ni McNeil Anilov Neri Briguela o mas kilala bilang “Awra” kung paano siya nagsimula sa show business sa vlog ni Kid Yambao.
Ayon sa kanya, hindi raw niya inaasahan na magiging artista siya sa murang edad na 12.
Simpleng kulitan lang raw kasi ‘yun kung saan na-videohan ng kanyang kapatid at in-upload sa internet at na-pick up ng iba’t ibang social media pages.
Matatandaan na unang nag-viral ang batang aktor sa kanyang video kung saan siya ay umiiyak sabay aawra sa kamera.
“Noong nag-viral, tinawagan ako ng ABS-CBN. Noong una, GMA ‘yung kumontak sa akin pero natatakot ako kasi baka scam pero noong kumontak sa akin (ay) ABS-CBN, naglakas loob ako kasi noong ini-stalk ko ‘yung kumontak, marami talaga siyang hawak,” pag-amin ni Awra.
Doon na raw niya nakilala si Coco at agad naging parte ng “FPJ’s Ang Probinsyano” kinabukasan.
Amin pa niya, never raw siyang nagkaroon ng acting workshop sa lahat ng mga projects na nagawa niya maski hanggang ngayon.
“Nasa magandang kamay ako that time. I mean hanggang ngayon naman. Naalalayan nila ako, na-guide nila ako nang maayos. Kumbaga sa acting, si Kuya Coco ang pinaka nag-guide sa akin pero sa pagiging performer, doon naman si Meme Vice,” paglalahad niya.
Para kay Awra, hindi na siya nagdalawang isip na tanggapin ang mga proyekto na ino-offer sa kanya dahil na rin malalaking artista na ang kasama niya.
“Ako naman kasi, 12 years old ako nu’n eh. Ayokong sayangin ‘yung opportunity. Big star na ‘yung mga kasama ko bigla eh. Coco Martin, Vice Ganda. So, kung ano ‘yung makabubuti sa akin na sinasabi nila na ganito gawin mo, ginagawa ko siya tapos ginagalingan ko talaga,” saad niya.
Marami ngang nagbukas na oportunidad kay Awra magmula nang naging artista ito, isa na nga rito ang pagkapanalo sa “Your Face Sounds Familiar”.
Sabay-sabay niya ngang ginagawa ang “FPJ’s Ang Probinsyano”, “Your Face Sounds Familiar”, pati na rin ang pag-aaral niya.
Naalala nga ni Kid noon na dinadalaw sila ni Awra kasama ang mga co-child stars nila sa kanilang floor sa condo.
Minsan nga’y tinanong nito ang kasama nila kung nag-aaral sila at humanga siya dahil nga hindi ito tumigil sa pag-aaral kahit na marami itong projects.
Giit pa niya, siya raw ay hindi ‘yun nagawa kahit pa-show show lang sila noon sa “It’s Showtime”.
“Isa lang talaga ang pinaka mindset ko noon kaya hindi ko ini-stop ‘yung pag-aaral ko, eh,” saad niya.
“Lagi ko kasing natatanggap na advice kay Kuya Coco at kay Ate Vice, I mean sa lahat ng taong mahal ako, ‘Huwag mong pababayaan ‘yung pag-aaral mo’ and ako naman ayoko silang biguin kaya kahit mahirap pinagpatuloy ko ‘yung pag-aaral ko.
“Ang naging mindset ko, may fallback ako. Kung hindi man ako successful sa pag-aartista or performer, atleast ‘yung fallback ko, naka-graduate ako. Meron akong diploma.
“Para kahit anong sabihin sa’yo ng tao, di ka nila pwedeng maliitin kasi may pinag-aralan ka,” dagdag pa niya.
Humanga si Kid sa mindset ni Awra na kahit bata pa ito, iba ang maturity nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.