Sanya gustong maging superhero; type ring sumabak sa LGBTQ project kasama si Solenn
MAKALIPAS ang limang taong pagiging loyal sa GMA 7, mananatili pa ring Kapuso ang aktres na si Sanya Lopez matapos mag-renew ng kanyang exclusive contract sa network.
Ayon sa dalaga, napakarami niyang natutunan sa mundo ng showbiz sa halos limang taong pagiging Kapuso ngunit inamin niya na napakahirap din ng kanyang pinagdaanan bago niya narating ang kinalalagyan niya ngayon.
Aniya, napakarami rin niyang isinakripisyo at hinarap na challenges para sa kanyang mga pangarap at nagpapasalamat siya sa GMA dahil sa tiwala at pagmamahal na ibinibigay sa kanya hanggang ngayon.
“Being with GMA siguro ang natutunan ko lang talaga is of course lagi kang magpasalamat sa lahat ng ibinibigay sa ‘yo,” pahayag ni Sanya sa panayam ng GMA.
“At kung anuman ang mangyari dapat mahabang mahaba ang pasensya mo talaga kasi hindi biro ang pagpasok sa ganitong trabaho. Lagi ka lang magpasalamat hindi ka bibiguin ng GMA and you have to trust them,” aniya pa.
Pinasalamatan din niya ang lahat ng taong tumutulong at sumusuporta sa kanya kabilang na ang pamilya niya, mga fans at ang GMA Artist Center.
Nabanggit din niya ang kanyang mentor na si German “Kuya Germs” Moreno na sa simula pa lang ay naniwala na agad sa kanyang talento bilang artista.
“Kay Tatay Kuya Germs na isa rin sa mga unang taong nagtiwala sa akin. Siya po talaga yung unang tao na naniwala sa akin na kaya mo at magagawa mo ‘yan kaya hinding-hindi ko makakalimutan si Tatay,” pahayag pa ng dalaga na bumida sa katatapos lang na hit Kapuso series na “First Yaya” kasama si Gabby Concepcion.
Samantala, kabilang sa mga dream projects ni Sanya in the future ay ang makaganap bilang superhero dahil talagang bata pa lang siya ay pinangarap na niya ito.
Bukod dito, gusto ring i-explore ng aktres ang mga lesbian role at type raw niyang makasama sa mga ganitong uri ng proyekto sina Rhian Ramos, Glaiza de Castro at Solenn Heussaf na inilarawan pa nga niyang “super hot.”
Aniya, nae-excite raw siya sa mga ganitong klaseng role na talagang alam niyang matsa-challenge siya kapag ginampanan niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.