Angeline hindi pa rin natutupad hanggang ngayon ang isang pangarap ni Mama Bob | Bandera

Angeline hindi pa rin natutupad hanggang ngayon ang isang pangarap ni Mama Bob

Ervin Santiago |July 25,2021
facebook
share this

Angeline hindi pa rin natutupad hanggang ngayon ang isang pangarap ni Mama Bob

Ervin Santiago - July 25, 2021 - 11:56 AM

MAY ginagawa ngayon ang Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto para kahit paano’y mabawasan ang pangungulila niya sa yumaong inang si Mama Bob.

Inamin ng dalaga na habangbuhay na niyang dadalhin ang pagdadalamhati ang pagkamatay ni Mama Bob o Sylvia Quinto sa tunay na buhay. 

Sa katunayan, may mga pagkakataon pa rin na napapaluha siya kapag naaalala ang ina na binawian nga ng buhay noong Nov. 7, 2020.

“Ang lagi kong ginagawa kapag nalulungkot ako, kasi halos araw-araw pa rin po talaga ay nami-miss ko ang Mama Bob. Ngayon, ang ginawa ko, lagi akong natutulog sa kuwarto niya.

“So, yung kuwarto ko po sa bahay namin walang gumagamit ngayon, kasi every day doon ako nag-i-stay.

“Kasi, alam ko kapag nalulungkot ako, umiiyak ako, mas napi-feel ko yung spirit ni Mama nandiyan sa tabi ko kapag nandu’n ako sa sariling kuwarto niya,” kuwento ni Angeline sa ilang members ng entertainment press nang ipakilala siya bilang celebrity endorser ng Ayesha’s Beauty Products. 

“Lagi kong sinasabi sa lahat ng nangangamusta sa akin, siguro yung paulit-ulit na sinasabi ko sa kanila, yung pangungulila ko sa Mama Bob ko, hindi natatapos yun, e.

“Pero alam ko sa sarili ko, bago ko i-let go si Mama Bob, buong-buo yung puso ko na tinanggap ko yun. Kasi, alam ko na kailangan na siya doon. Tapos na yung misyon niya dito.

“Kasi before naman, nung buhay ang mama ko, sobrang open kami sa isa’t isa, napagkukuwentuhan namin yun.

“Sabi ko kay Mama Bob, ‘Alam mo na ang misyon mo sa buhay ay maiayos ang buhay ko, nagawa mo na.’ Kaya bukal po talaga sa loob ko yun.

“Masakit, mahirap. Pero wala naman akong ibang pinagkakatiwalaan. Lahat naman ng buhay natin ay hiram lang sa Diyos. So, siguro kailangan na si Mama Bob doon. Kaya ni-let go ko naman po nang buong puso,” sabi pa ng singer at aktres.

Natanong din ang dalaga kung may pangarap pa ba ang kanyang ina para sa kanya na hindi pa niya natutupad?

Tugon ni Angeline, “Ang pangarap po ni Mama Bob, kung ang pagbabasehan po natin ay kung sa trabaho, lahat naman nasabi na sa akin ng mama ko, e, natupad ko bilang isang singer.

“Kasi, di ba, nanggaling po ako ng mga singing contest? Yun ang pangarap ng mama ko na maging professional singer po ako pagdating ng panahon,” aniya pa.

Palagi rin daw sinasabi sa kanya ni Mama Bob na sana’y abutan pa raw nito ang araw na may sariling pamilya na ang biriterang singer kaya patuloy ang dasal ni Angeline na makita na ang kanyang “the one”. 

“Ang isang pangarap ng Mama Bob ko para sa akin na hindi ko natupad nu’ng buhay pa siya ay yung magkaroon ako ng sarili kong pamilya, na makita niya ang apo niya sa akin. Yun po.

“Pero nu’ng nawala naman ang mama, talagang sinabi ko naman sa kanya, ‘Ma, tulungan mo naman ako na makilala ko kung sino yung lalaki na tama para sa akin. Kung sino ang gusto mo.’

“Kasi kung ako lang yun, ayokong magkamali. Ang dami ko nang naging relationship na hindi ko naman…'” ang biting pahayag ng dalaga na umamin sa isa niyang vlog na may isa siyang naging dyowa na pinautang niya at binigyan pa ng kotse at motor.

“Pero yun nga, yun talaga ang pinagpi-pray ko rin ngayon. Na kung makilala ko nga ang tamang lalaki para sa akin, na kahit wala si Mama Bob, siyempre para rin sa future ko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Kung sino yung makakasama ko na, kung para kanino na ako mabubuhay ngayon dahil wala na si Mama. I’m sure mabibigay sa akin ‘yon. In God’s time po,” lahad ni Angeline.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending