Alden sa mga Kapuso fans: Kayo po ang bumubuhay sa amin
TIYAK na mas mae-excite gumising ang fans ni Alden Richards sa regions ngayong Biyernes dahil ang Asia’s Multimedia Star ang makaka-bonding nila sa “Kapuso Fans Day on TV” handog ng GMA Regional TV.
Si Alden, miss na rin daw ang pagbiyahe para makasama ang kanyang fans sa regions. Ganuon pa man, thankful pa rin ang Kapuso actor dahil patuloy ang mainit na suporta ng viewers sa kanya.
“Kahit pandemic at hindi ko kayo personal na nakikita, nandiyan pa rin kayo and it means a lot to me,” say ng aktor na ngayon ay gabi-gabing napapanood sa primetime series na “The World Between Us” at kapag Linggo naman ay nagpapasaya sa “All Out Sundays.”
“Kayo po ang bumubuhay sa amin, your love and support for us. Salamat at mahal ko kayong lahat,” dagdag na mensahe pa ni Alden sa kanyang supporters.
Ang “Kapuso Fans Day on TV” ay napapanood tuwing Biyernes, 8 a.m., sa morning shows na umeere sa local channels ng GMA RTV: “Mornings with GMA Regional TV” sa North Central Luzon, “GMA Regional TV Live!” sa Central and Eastern Visayas, “GMA Regional TV Early Edition” sa Western Visayas, at “At Home with GMA Regional TV” sa Mindanao.
* * *
Nakaisip ng paraan ang Kapuso couple na sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo para kahit paano’y mabawasan ang lungkot at pagkabagot ng kanilang mga anak.
Ayon sa Kapuso Ultimate Star, talagang sinusulit daw niya ang bawat araw na magkasama sila ng anak na si Alex Jazz lalo’t next month ay teenager na ito.
“Ang bilis ng panahon kaya masasabi ko talaga sa mommies ‘yung habang baby at habang maliliit pa sila, i-enjoy na talaga nila ‘yung moment kasi ang bilis nilang lumaki,” ang chika ni Jennylyn sa panayam ng GMA.
Kuwento ni Jen, hangga’t bata pa ang anak ay talagang sinasamantala niya ang bawat pagkakataon na makapag-bonding sila. Kamakailan nga lang ay nakapag-hiking sila sa Tanay kasama si Dennis pati na ang anak nitong si Calix.
“Nine hours ‘yung hiking namin kahapon at umuulan, walang tigil ang ulan kaya medyo nahirapan kami at medyo natagalan, kasi ‘yung buong bahay namin talagang nag-hike,” pagbabahagi pa ni Jen.
Para sa aktres, kailangan din daw ng mga bata ngayon ang mga ganitong uri ng activity para mabawasan ang kanilang nararamdamang anxiety o pag-aalala.
Basta siguruhin lang daw na nasusunod pa rin ang safety at health protocols na ipinatutupad ng gobyerno kontra-COVID-19.
“Para naman maiba kasi kung tayo nga, nahihirapan na lagi lang nakakulong sa bahay, ang dami nang nagkakaroon ng anxiety or depression. Ito ‘yung way namin kung paano ibe-break ‘yon,” sey pa ni Jennylyn.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.