Bandera Editorial
MALAYA pa rin sina Baby James at mga bata (taliwas sa sinasabi ng Bayan Muna, AnakPawis, Gabriela at iba pang makakaliwang organisasyon na walang kalayaan sa bansa; paano nga naman kung sa mga bansang Komunista binanggit sa publiko ang pangalang di dapat banggitin? Di ba’t ang kalayaan ng mga bata sa mga bansang Komunista ay sinisikil na hangga’t bata pa sila?) na banggitin ang nais nila, saan mang lugar, oras at panahon, sa bahay man o political rally para kay Noynoy.
“Villar,” ani Baby James. May kalayaan nga, dahil mas malaya pa ang Bacolod kesa Maguindanao kung ang babanggitin ay kilalang pangalan. Siyempre naman. Bagaman nakangiti ang ina habang karga ang anak na nagbanggit ng Villar (na malinaw na ikinatuwa ng publiko dahil wala namang sumigaw ng boo), agad niyang inialis ang paslit (pero may muwang si Baby James, di tulad ng sinasabi ng mga taga-Liberal na wala pa itong muwang.
Anu? Paano magiging walang muwang si Baby James gayung taglay niya ang katalinuhan ng kanyang lolo’t lola’t mga magulang at tito’t mga tita?). Bakit agad na inialis ng ina, tanong ng ilan sa publiko. Hinihintay pa nga nila na kumanta si Baby James, o sumayaw, o tumula, na siya namang inaasahan sa bibong bata, di ba?
Pero, sa nagmamay-ari ng pangalan na binanggit ni Baby James, sanlaksang kaligayahan ang natanggap niya nang mabalitaang ang mismong pamangkin ni Noynoy ang nagbanggit ng “Villar” sa libu-libong tao’t botante.
Malaking karangalan ang ibinigay ni Baby James, ani Manny. Bilang bata, sinabi ni Manny na tapat ang mga bata. Tapat si Baby James sa pagsambit ng Villar, sa pananaw ni Manny. Ang sabi ng tiyo Noy, “bata yan.” Oo nga naman. Bata yan at di nagsisinungaling. Ang mga bata ay walang muwang sa kasinungalingan. Kay sarap namnamin ang katangian ng bata. At kung sino pa ang matatanda ay siya ang may muwang sa mga kasinungalingan. Na kung sino pa ang matatanda ay siya pa ang mga sinungaling.
Mabuhay si Baby James. Binanggit lang niya ang kanyang napanood at alam. At yan ang totoo.
Bandera, 040810
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.