Heaven Peralejo payag bang makatrabaho ang ex-dyowang si Jimuel Pacquiao?
PAYAG ang Kapamilya young actress na si Heaven Peralejo na makatrabaho ang ex-boyfriend at bagong Star Magic artist na si Jimuel Pacquiao.
Ayon sa dalaga, walang isyu sa kanya kung sakaling pagsamahin sila sa isang proyekto ng binatang anak nina Sen. Manny at Jinkee Pacquiao.
Hindi rin kasi imposible na magtambal sina Heaven at Jimuel dahil certified Star Magic artist na rin ang binata at kamakailan lang ay ipinakilala na nga siya bilang latest member ng “The Squad Plus.”
Maayos naman daw ang relasyon nila ngayon ng dati niyang boyfriend, “Yes, of course. Hindi naman tayo nagtatanim ng sama ng loob.
“And siyempre may pinagsamahan na rin naman kami. We are good now. So, why not?” pahayag ng dalaga sa ginanap na mediacon para sa mga episode ng “Maalaala Mo Kaya” ngayong buwan ng Hulyo.
Sa isang panayam, sinabi ni Heaven na marami siyang natutunan sa kanyang past relationship at mahirap man mag-move on mula sa isang nasirang relasyon ay nagawa pa rin niya nang bonggang-bongga.
“Sabi po kasi ng mom ko, ‘Don’t ever let anyone make you feel that you are not enough because you are (enough).’ And when that happens po it’s time to let go,” pahayag ni Heaven.
* * *
Iba’t ibang kwento ng pagmamahal na nagbibigay pag-asa sa mga manonood ang pagbibidahan nina Iza Calzado, Heaven Peralejo, at Zaijian Jaranilla ngayong Hulyo sa “Maalaala Mo Kaya.”
Abangan ang pagbabalik-“MMK” ni Zaijian Jaranilla sa kanyang pagganap bilang si Andy, isang Nursing student na humarap sa masaklap na hamon ng buhay – ang pagkakasakit ng ina at dalawang kapatid ng chronic kidney disease. Alamin kung paano niya at ng kanyang ama na si Abe (Nonie Buencamino) malalampasan ang sunod-sunod na problema sa two-part special na nagsimula nitong Hulyo 3.
Sa darating naman na Hulyo 17, balikan ang kwentong pag-iibigan nina Tim at Jung Won na pinagbidahan nina Ejay Falcon at Sunshine Kim. Kahit naging malaking pagsubok sa kanila ang pagkakaiba ng kulturang kinalakihan, papatunayan nila na mas mananaig ang kanilang pagmamahalan sa isa’t isa.
Samantala, tunghayan ang buhay ni Julie (Heaven), isang dalaga na swinerteng magkaroon ng dalawang inang nagsilbing gabay sa kanya, ngayong Hulyo 24. Labis ang paghanga ni Julie sa kanyang inang si Caridad (Iza Calzado) na naging protektor niya laban sa kanyang mapang-abusong ama. Ngunit mag-iiba lang ang lahat nang magkaroon ng Schizophrenia si Caridad.
Dahil naiwan sa kanya ang responsibilidad ng ina, kamumuhian ni Julie si Caridad. Sa pagdating naman ni Esther (Shamaine Buencamino) sa buhay ni Julie, unti-unting mahahanap ni Julie ang pagmamahal sa ina.
Magpapakilig namang muli ang kwentong pagmamahalan nina Emman (Joem), isang janitor at ni Maricar (Denise), ang kanyang boss. Paanoorin kung paano magpupursige si Emman para makamit ang buhay na inaaasam para sa kanilang mag-asawa.
Bukas ang “MMK” sa mga kwento ng viewers. Sa mga gustong mag-submit ang kanilang kwentong #MMK, maari silang magpadala ng email sa [email protected], bisitahin ang mmk.abs-cbn.com, o magsend ng private message sa Facebook, Instagram, o Twitter ng “MMK.”
Napapanood pa rin ang “MMK” tuwing Sabado, 8:30 p.m. sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.