Pakiusap ni Pokwang sa haters: Sana maunawaan n’yo, nanay din po ako at maraming umaasa sa akin
SINAGOT ng bagong Kapuso star na si Pokwang ang mga taong nambabato sa kanya ng masasakit na salita sa naging desisyon niyang lumipat na sa GMA 7.
Aware ang komedyana sa mga negatibong komento ng ilang netizens tungkol sa pagpirma niya ng kontrata sa Kapuso Network, lalo na sa mga kumukuwestiyon sa kanyang loyalty.
Matapang na naglabas ng saloobin si Pokey hinggil dito nang mag-guest siya sa weekly comedy show ng GMA na “The Boobay and Tekla Show” nitong nagdaang Linggo.
“Hindi ko naman sila masisisi. Tayo naman may kanya-kanya tayong paniniwala at pananaw sa buhay. Pero kasi ang pananaw ko po sa buhay ko is ‘yung utang na loob hindi mawawala. Habangbuhay nandoon ‘yun,” simulang pagdedepensa ng komedyana sa sarili.
Aniya pa, “Kahit saan ako nanggaling, kahit sino ka, kung sino man ‘yung ano, hindi mawawala, at hindi dapat inaalis ‘yun sa puso mo.”
Dagdag pa niyang paliwanag, hindi naman ibig sabihin na lumipat siya ng istasyon ay ingrata at wala na siyang utang na loob. Ani Pokey, kailangan niyang magtrabaho para sa kanyang pamilya at sa iba pang umaasa sa kanya.
“Pero tandaan po natin na ‘yung pamilya po natin, sila po ‘yung dahilan kung bakit po tayo patuloy na lumalaban sa kabila ng mga nangyayaring ito.
“Naiintindihan ko, nauunawaan ko ‘yan. Pero sana unawain din po ninyo, nanay din po ako. Marami pong umaasa sa akin, marami rin pong umaasa sa akin, marami rin po akong gustong matulungan pa,” katwiran ng komedyana.
Nauna nang sinabi ng aktres na super excited na siya bilang Kapuso, “Marami pa akong gustong gawin as an artista, as a host, marami pa akong gustong i-share na experience ko sa pamamagitan ng mga programa para sa mga manonood.
“Gusto kong ituloy-tuloy kung ano pa ang gusto kong gawin bilang artista. Malaki ang pasasalamat ko kasi siyempre nagbukas ng pintuan sa akin ang GMA,” aniya.
Pangako pa niya sa mga Kapuso viewers, “Mas lively, mas masaya, para akong isang apoy na pansamantalang pinigil pero ngayon pasabog na, masaya, magaan lang, mas maibibigay ko ang comedic side ko. Dito sa GMA, nakikita kong back ako sa kung saan ako nalilinya talaga, which is comedy. Masaya lang talaga!”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.