Sinuspinde ng Facebook si dating U.S. President Donald Trump hanggang Enero 2023 habang inanunsyo din nito ang mga bagong patakaran sa mga lider ng daigdig na lumalabag sa kanyang community standards.
Hindi na nagamit ni Trump ang kanyang Facebook account matapos ang madugong paglusob ng kanyang mga tagasuporta sa Capitol Hill noong Enero 6 na ayon sa social media giant ay bunsod na rin sa pag-uudyok ng dating pangulo.
Tatagal ang suspensyon ng dalawang taon mula sa petsa na una siyang na-block at matatapos lamang kung ang panganib sa kaligtasan ng publiko ay wala na, ayon sa pahayag ng Facebook nitong Biyernes.
Tinuligsa ni Trump ang desisyon bilang isang anyo ng censorship at pag-insulto sa mga botante.
Ang social media ay nagsisilbing pangunahing megaphone ni Trump kung saan maging ang mga importanteng polisiya ng kanyang pamahalaan noong siya ay presidente pa ay kanyang inilalabas.
Sa Twitter, na siyang pinakapaborito ni Trump, ay permanente na siyang na-ban habang nananatili siyang suspendito sa YouTube matapos ang riot sa Capitol Hill.
“Given the gravity of the circumstances that led to Mr. Trump’s suspension, we believe his actions constituted a severe violation of our rules which merit the highest penalty available under the new enforcement protocols,” wika ng head ng global affairs ng Facebook na si Nick Clegg.
Pagbabago ng polisiya
Sa nakaraang mga taon, ang mga kumpanya ng social media ay nagkukumahog sa paggawa ng mga patakaran kaugnay sa mga lider ng daigdig at mga pulitiko na lumalabag sa kanilang mga panuntunan.
Nitong Biyernes, sinuspinde ng pamahalaan ng Nigeria ang operasyon ng Twitter sa West African na bansa, dalawang araw matapos tanggalin ng social media company ang post mula kay Presidente Muhammadu Buhari na nagbabantang parurusahan ang mga regional secessionists.
Ang Facebook naman ay nag-anunsyo na tinatanggal na nito ang patakaran na nagsasabing ang anumang talumpati mula sa mga pulitiko ay kailangang mailabas para na rin sa pampublikong interes.
Sinabi ng Facebook na ngayon ay titimbangin na nito ang mga nilalaman mula sa mga pulitiko na lumalabag sa kanilang patakaran laban sa potensyal na panganib na idudulot nito sa publiko.
Mula sa ulat ng Reuters
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.