Doris balik-TV Patrol matapos sumailalim sa triple heart bypass surgery; ‘Feel Good Pilipinas’ umariba na
MAGPAPATROL na ulit ang mamamahayag na si Doris Bigornia pagkalipas ng tatlong buwang pagkawala sa “TV Patrol” ng ABS-CBN.
Matatandaang sumailim sa triple heart bypass surgery si Doris noong Pebrero matapos magkaroon ng heart attack.
Sabi ni Doris, “Work from home na ako. Kailangan ko nang maghanap ng istorya. Pero, at least, officially, babalik na ako tomorrow (ngayong gabi).”
Naikuwento nito ang kanyang pinagdaanan noong operahan siya at abut-abot ang pasasalamat niya sa pamilya, sa mga doktor, kasamahan sa trabaho at lahat ng nanalangin para sa agaran niyang paggaling, pati na sa lahat ng uri ng tulong at suporta na natanggap niya.
Bukod sa triple heart bypass surgery ay regular ding nagda-dialysis si Doris dahil sa kidney failure at diabetes.
Anyway, tinanghal na Best Female Field Reporter sa 10th Comguild Media Awards noong 2015 at kinilala rin sa 5th Paragala: Central Luzon Media Awards noong 2018 bilang broadcast journalist.
* * *
Kaya nating magsilbing liwanag sa ating kapwa at sa mundo sa kabila ng pandemya. Ito ang napapanahong mensaheng hatid ng “Feel Good Pilipinas” Special ID ng ABS-CBN na unang ipinalabas noong Mayo 30 sa iba-ibang platforms ng ABS-CBN.
Tampok sa Special ID ang sari-saring kwento ng mga Pilipinong patuloy na lumalaban, nagmamahal sa pamilya at kapwa, at inaabot ang pangarap maski panahon ng krisis.
Kasama nilang naghahatid ng inspirasyon at good vibes ang mga nagniningning na Kapamilya stars mula sa iba-ibang programa ng ABS-CBN tulad ng “ASAP Natin ‘To,” “FPJ’s Ang Probinsyano,” “G Diaries,” “He’s Into Her,” “Huwag Kang Mangamba,” “Iba ‘Yan!,” “Init sa Magdamag,” “It’s Showtime,” “Magandang Buhay,” “Paano Kita Mapasasalamatan,” “Your Face Sounds Familiar Season 3,” “Aja! Aja! Tayo sa Jeju,” “Real Talk: The Heart of the Matter,” at “We Rise Together,” kasama ang “TV Patrol” at TeleRadyo anchors at MOR Entertainment MORkada.
Naroon din ang mga bituin mula sa mga programang sinubaybayan ng mga manonood tulad ng “Ang Sa Iyo Ay Akin,” “Bagong Umaga,” “PBB Connect,” at “Walang Hanggang Paalam,” at mga inaabangang palabas gaya ng “La Vida Lena,” “Marry Me, Marry You,” at “The Broken Marriage Vow.”
Una nang naghatid ng liwanag at ligaya ang “Feel Good Pilipinas” noong Mayo 16 sa paglunsad ng dance video at dance challenge na layuning magpaindak sa mga Pilipino at gawing makulay ang mga araw habang nananatiling nasa loob ng bahay ang lahat.
Kabilang sa mga nakisayaw ang isang grupo ng delivery riders, mga empleyado, at maraming pang Kapamilya sa bansa at buong mundo.
Sina “Asia’s Soul Supreme” KZ Tandingan at sina Mikki Claver, JL Toreliza, Akira Morishita, Nate Porcalla, at Gelo Rivera ng P-pop sensation na BGYO ang umawit sa “Feel Good Pilipinas.”
Sina Lawrence Arvin Sibug at Robert Labayen ng ABS-CBN Creative Communication Management (CCM) division naman ang sumulat ng lyrics nito habang sina Thyro Alfaro at Francis Salazar ang gumawa ng musika. Likha naman ni Mickey Perz ang galawan sa dance challenge.
Panoorin ang “Feel Good Pilipinas” Special ID at makisayaw sa inyong paboritong Kapamilya artists sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, ABS-CBN Entertainment website, Facebook page at YouTube channel, at iba pang ABS-CBN platforms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.