Gina Pareño 'milyonarya' na rin sa TikTok: Lahat ng comments sinasagot ko, naglalamay po ako | Bandera

Gina Pareño ‘milyonarya’ na rin sa TikTok: Lahat ng comments sinasagot ko, naglalamay po ako

Ervin Santiago |May 21,2021
facebook
share this

Gina Pareño ‘milyonarya’ na rin sa TikTok: Lahat ng comments sinasagot ko, naglalamay po ako

Ervin Santiago - May 21, 2021 - 02:51 PM

MAITUTURING na ring “milyonarya” ang award-winning veteran actress na si Gina Pareño pagdating sa mundo ng TIkTok.

In fairness, dahil sa mga nakakaaliw at nakakatuwang video na kanyang ibinabahagi sa netizens, may mahigit 1 million TikTok followers na ang aktres ngayon na kilala rin sa social media bilang si Lola Gets.

Sa episode kahapon ng “Bawal Judgmental” ng “Eat Bulaga”, isa si Gina sa mga “Lola TikToker” na nagsimula noong kasagsagan ng lockdown, sa mga naging choices.

Kuwento ng aktres, nag-start siyang mag-post sa video-sharing social media app noong May, 2020 para raw kahit paano’y malibang siya dahil miss na miss na niya ang pag-arte.

“Nalulungkot ako, e, di dinadaos ko yung pag-arte ko ng ganu’n. Nasisiyahan ako kasi nakakaarte ako at saka gusto ko yung sine-share ko yung nalalaan ko.

“At saka nawawala yung lungkot ko sa pag-arte, nakakaraos ako,” pahayag ni Gina na nakakapag-upload nga ng mga TikTok video sa tulong na rin ng kanyang pamangkin.

“Araw-araw kami nagpo-post. Kaya ang aking kwarto, ang aking mga damit nakalabas lahat para dukot na lang kami nang dukot, wala nang ligpitan,” chika pa ng 71-year-old actress sa mga Dabarkads na sina Maine Mendoza at Jose Manalo.

Sa ngayon ay may 1.6 million followers na siya sa TikTok at umabot na rin sa 9.3 million likes ang kanyang mga video.

Maluha-luhang sabi pa ng veteran actress at Lola TikToker, “Ayun, ang dami kong followers, sinusundan nila ako, maligayang-maligaya ako at hindi pa nila ako nakakalimutan. Kaya ganado ako kasi minamahal nila ako.”

At para mapasalamatan ang kanyang mga fans at followers, talagang sinasagot daw niya ang mga comments sa kanyang TikTok videos.

“Lahat ng comments sinasagot ko. Naglalamay po ako. Kasi, mayroon akong insomnia, hanggang alas-dos ng madaling araw buhay pa ako.

“Nasasagot ko ang lahat ng comments, lahat ako mag-isa. Uy, ako ang sumasagot sa inyo akala n’yo, ha!

“Hindi ako napupuyat kasi nga may insomnia ako. Ginagamit ko ang oras ko sa pagsagot sa kanila kasi nakakahiya, siyempre, pinagtitiyagaan ka nila, kailangan ibalik ko rin,” pahayag pa no Gina.

Ito naman ang message niya sa kanyang followers, “Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat na follower ko, na pinagtitiyagaan n’yo ang lola ninyo.

“Hindi ko po talaga akalain na ganun n’yo ako kamahal. Gagawin ko po ang lahat ng magagawa ko at lagi ko po kayong sasamahan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

“Mag-comment po kayo, sasagutin ko po lahat-lahat ng comments ninyo. Ganun ko po susuklian ang pagtitiyaga ninyo sa lola ninyo,” sabi pa ni Lola Gets.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending