Bakunahan ang 10-M sa NCR para merong 'herd immunity' | Bandera

Bakunahan ang 10-M sa NCR para merong ‘herd immunity’

Jake J. Maderazo |
Wag Kang Pikon -
May 04, 2021 - 10:12 PM

Siyam na araw pa bago magwakas ang ating MECQ sa May0 14, pero ngayon pa lang patuloy na bumababa ang COVID-19 infections sa Metro Manila at maging sa “bubble”provinces”.

Ayon sa DOH Data drop at OctaResearch, ang reproductive number (RN) ay nasa  pinakamababang 0.83 na lamang ngayon. Malayo ito sa pinakamataas na 2.0 noong Marso 29. At ayon sa mga eksperto, maaring mag-stabilize ito sa 0.85 hanggang 0.90  sa mga susunod na linggo .  Katunayan, mas mababa pa ito sa naranasan nating “stable RN” na  1.0 mula Nobyembre, Disyembre-2020 hanggang Pebrero-2021. Ibig sabihin, maganda ang resulta ng dalawang linggo ng ECQ at dalawang linggo ng MECQ.  At siyempre, manalangin tayo laban sa mga “super spreader events”  ng iilang matitigas ang ulo na posibleng pagmulan ng panibagong “surge” ng COVID-19.

Dito sa Metro Manila, halos nangalahati ang mga “daily new cases”, mula 5,500 noong Marso 29, ito’y nasa 2,740 na lamang nitong Lunes. Inaasahang bababa pa ito sa pagitan ng 1,500 hanggang 2,000 sa susunod na mga  buwan.

Ang bilang ng mga “active COVID-19 cases” dito sa NCR ay bumagsak na rin sa 27,336  mula sa dating lampas 50,000. Nitong  Labor day, pinakalamalaking ibinaba ng kaso ang Mandaluyong (67 %), Las Piñas (57), Marikina (51), Pasig (37), Taguig at San Juan (35), Quezon city at Valenzuela (23) at Pasay (22 %).

At kung daily “attack rate” (per 100,000 population) ng COVID-19 ang pag-uusapan, Una ang San Juan sa 84.4 pct. Sumunod ang Mandaluyong (66.19), Marikina (54.54), Makati (52.29), Pasay ( 50.79) , Navotas (42.46), Manila (41.68), Pasig (40.66) Parañaque (37.00),  at Quezon city na nasa 34.89 pct na lamang. Ang Caloocan city ang may pinakamababang attack rate na 22.18 pct kasunod ng Muntinlupa  (23.46) at  Valenzuela (26.50).

Kung tutuusin, mataas pa rin ang mga numero, pero malaking-malaki na ang nabawas, kayat sa ganang akin, isang magandang accomplishment ito ng lahat ng mga LGU sa NCR.  Talaga namang sa “baranggay level” na ang tutukan. Sa aking palagay, mas nag-iingat ngayon ang taumbayan dito sa Metro Manila dahil nasaksihan nila napakaraming nagkakasakit at namamatay.

Kaya naman, inaasahan ko na ang pagbaba ng COVID-19 cases sa Metro Manila ay kailangan  sundan kaagad ng malawakang pagbabakuna. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez jr., meron nang 1.6M  nabakunahan sa buong bansa ng unang “dose” ng Sinovac at Astrazeneca, samantalang 284,553 ang nakakompleto ng dalawang “doses” . Meron daw paparating pang 10 to 15 million doses sa June mula sa Covax facility,  kasama na ang Sputnik V ng Gamaleya, Russia.

Sa ganang akin, dapat unahin ng gobyerno ang Metro Manila na siyang episentro ng pandemyang ito.  At ang tinutukoy ko rito ay ang  14,158,573 mamamayan (2021 unofficial census)  sa labimpitong lungsod at bayan.

Kung gusto nating mapigilan ang pandemya, dapat dito sa NCR naganap ang “herd immunity” upang hindi na kumalat sa ibang urban at rural centers ng ating bansa. Hindi ko sinasabing iiwan natin ang iba pang rehiyon, pero sa totoo lang, maraming probinsya ang normal ang pamumuhay.  Hindi nila prayoridad ang pangkalahatang bakuna pero dapat ding unahin ang lahat ng mga “health care frontliner “, mga matatanda at may “co-morbidities” doon.

Sabi nga ng mga scientists, 70 percent ng populasyon ay  sapat nang numero para makamit ang “herd immunity”. Ibig sabihin nito, 9,911,001 na mga taga-Metro Manila ang unang-unang dapat bakunahan ng gobyerno. Kayang-kaya itong gawin ng mga masisipag na alkalde at private sector dito sa NCR sa pinakamabilis na panahon. Sana makinig ang Duterte administration at gawin ito agad-agad.

 

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending