Jason Abalos nagsisisi sa pagboto kay Duterte: Patawarin n’yo ako, ang gusto ko lang naman ay pagbabago
HUMINGI ng kapatawaran ang Kapuso actor na si Jason Abalos sa sambayanang Filipino dahil sa pagboto niya noon kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagsisisi raw ang aktor na ibinigay niya ang kanyang makapangyarihang boto kay Duterte noong Eleksyon 2016.
Ni-repost ng binata sa kanyang Twitter account ang isang news item kung saan ikinukumpara ang naging pahayag ni Pangulong Duterte sa mainit na isyu hinggil sa West Philippine Sea sa paninindigan nito noong kumakandidato pa lamang sa pagkapangulo noong 2016.
Matapang na komento ni Jason, “Isa ako sa mga bumoto dito. Patawarin nyo ako mga kababayan ko, ang gusto ko lang naman ay pag babago.”
Hindi rin nagustuhan ni Jason ang naging komento ng Pangulo tungkol sa daan-daang Chinese vessel na nakapalibot sa Julian Felipe Reef noong nakaraang buwan.
Sabi ni Duterte, “Even if I go there, I said, with Secretary (Delfin) Lorenzana, and sail there and ask questions, wala mang mangyari.”
“Sasagutin ka lang, but you know the issue of the West Philippine Sea remains to be a question forever until such time that you know, we can take it back,” ayon pa sa Presidente.
Ngunit paliwanag niya, ipinadadala rin niya ang mga barkong pandigma sa West Philippine Sea sa sandaling magsimula ang China sa pagbabarena ng langis at iba pang aktibidad sa loob ng eksklusibong economic zone ng Pilipinas.
Kung matatandaan noong 2016 Presidential elections, ang sinabi noon ng Pangulo hinggil sa isyung ito ay, “Bababa ako at sasakay ng jetski, dala dala ko ang flag ng Filipino at pupunta ako dun sa airport (ng China) tapos itanim ko. I will say, ‘This is ours and do what you want with me.’”
Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas ng saloobin si Jason kontra kay Duterte. Binatikos din niya noon ang “joke” ng Pangulo tungkol sa paggamit ng gasolina sa mga face mask para labanan ang COVID-19.
“Namatay ang kaibigan kong pediatric surgeon dahil sa (COVID), tapos may panahon pa kayong mag joke? Pagbabago ang ginusto ko (nu’ng) binoto kita hindi panggagago!” ang tweet ng aktor noong July 24, 2020 na ang tinutukoy na namatay ay ang kaibigan niyang si Dr. Leandro Resurreccion III.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.