Star Magic binantaan ang bashers ng kanilang talents; OPM artists bibida sa PMPC benefit concert
NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang talent management arm ng ABS-CBN na Star Magic sa pambu-bully na may kasama pang pagbabanta sa mga anak ng kanilang mga talents.
Hindi man binanggit ng Star Magic sa inilabas nilang official statement hinggil dito, pinaniniwalaang para ito sa mga panglalait na natanggap ng anak nina Janella Salvador at Markus Paterson mula sa mga walang awang bashers.
Bukod pa riyan, tila pagbabanta na rin ang inilabas na pahayag ng Star Magic sa nagpadala ng death threat sa baby ng Kapamilya actor na si Carlo Aquino.
“Ang Star Magic ay lubos na nababahala sa pamba-bash at pagbabanta sa mga anak ng aming mga artista sa social media. Ang ganitong uri ng mga post ay iresponsable, walang puso, at nakakapanakit lamang sa mga kapwa.
“Kasama kami sa aming artist sa pagtawag ng pansin sa mga posibleng paglabag sa mga batas laban sa child abuse (Republic Act 7610) at sa libel ng mga indibidwal ba ito.
“Hindi kami mga-aatubiling magsagawa ng legal na aksyon upang mabigyan ng leksyon para sa sakit at trauma na kanilang idinulot,” ang kabuuang warning ng Star Magic.
Kung matatandaan, binuweltahan ni Janella ang mga netizens na nanglait sa itsura ng anak nila ni Markus.
“Your humor must be really fu**ed up to make fun of a baby. I can take all the bashing in the world directed at me with grace, but direct it at my innocent son and you’ll definitely hear from me,” tweet ni Janellam
Banat naman ni Markus, “Let’s be honest. I’m no stranger to bashing. But come for my son and I will come for you.
“People like this make me sick, wala pang isang taon anak ko and ya’ll making fun of a NEWBORN. Not gonna erase names, proud niyo eh.”
Dagdag pa ng aktor, “For the people in this post, I have no words other than I hope you someday find the happiness you need to fulfill that hole in your hearts. Maybe one day I can check on you all since I have your names.”
Sa kanya namang Instagram Stories, ipinost ni Carlo ang screen grab kung saan makikita ang pagbabanta ng isang sa buhay ni Baby Enola Mithi.
“Full-grown adults who make fake accounts to do this. Ano na ang nangyari sa mundong ito. Papano kayo pinalaki ng mga magulang ninyo? Magkano sinasahod niyo para gawin ito? Worth it ba?” ang caption ni Carlo sa kanyang IG post.
* * *
Isa sa pinakamatinding tinamaan ng pandemya dulot ng COVID-19 ay ang entertainment industry. Natigil kasi ang live events at wala pang kasiguruhan kung kailan babalik sa normal ang lahat.
Kaya naman ang The Philippine Movie Press Club (PMPC), ay bumuo ng virtual concert titled, “AWIT SA PANDEMYA: A PMPC BENEFIT CONCERT” na magaganap sa April 18, 8 p.m. (PHST & SGT) at 5 a.m. (PDT).
Isa itong virtual concert kung saan magsasama-sama ang mga kilalang mang-aawit at mga sikat na personalidad ng bansa. Ang AWIT SA PANDEMYA ay fundraising concert na hindi lang layon ang makapagbigay ng kasiyahan sa mga manonood kundi para makalikom din ng pondo.
Ang proceeds ay mapupunta sa medical assistance ng PMPC officers at members lalo na ang mga senior at may sakit na miyembro nito.
Pangungunahan ito nina Alden Richards, Christian Bautista, Jed Madela, Gerald Santos, Ima Castro, Luke Mejares, Jeric Gonzales at Kuh Ledesma.
Kasama rin (in alphabetical order) sina JV Decena, Gari Escobar , Christi Fider, Joaquin Garcia, Jos Garcia , Sarah Javier, Charo Laude, Diane De Mesa, Renz Robosa , Lil Vinceyy, and the Zcentido Ska Band.
Ito ay proyekto ng Special Project Committee ng PMPC sa pangunguna ng kanilang Pangulo na si Roldan Castro. Para sa ibang detalye tumawag sa ticket2me.net (09188427346).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.