Paul Salas napahiya sa taping, gusto na sanang mag-quit sa showbiz: Sabi ko, ayoko na!
HINDING-HINDI makakalimutan ng Kapuso hunk actor na si Paul Salas ang matinding kahihiyang inabot niya habang kinukunan ang isang eksena sa ginawa niyang proyekto noon.
Muntik na raw talaga siyang mag-quit sa showbiz nang dahil sa karanasan niyang iyon na nangyari sa taping ng dati niyang project kung saan mga bigating artista talaga ang nakasama niya.
Kuwento ng binata, ito raw yung simula nang pagsabak niya sa mas mature na role, “Noong 16 ako, nagkaroon ako ng drama and more mature role.
“Sanay pa ako dati, kasi mahirap pong mag-switch sa from child actor to mature roles. Nagkaroon po ako ng opportunity noon tapos puro big stars pa kasama ko.
“Naalala ko before, ‘di ko magawa ‘yung isang eksena, sobrang bigat na eksena. Hindi ko talaga magawa.
“Siguro umabot kami ng buong araw. Tapos hindi na lang pinalagpas, sabi sa next taping day na lang kung kailan magagawa mo ulit,” pagbabalik-tanaw ng Kapuso youngstar.
Grabe raw ang epekto ng pangyayaring yun sa kanya, “Sobra akong na-down doon kasi bakit ganu’n? Ako nga ‘yung pinili nila tapos hindi ko magagawa.
“May point of giving up na ako sa showbiz noon, after nu’ng eksenang ‘yun pumasok ako sa kotse sabi ko, ‘ayoko na, ayoko na.’ Umayaw na talaga ako,” pag-amin pa niya.
Ngunit talagang nasa puso niya ang pag-arte kaya nagpatuloy pa rin siya hanggang sa pangatawanan na niya ang desisyon na huwag bibitiw at nangakong mas pagbubutihin pa ang bawat trabaho niya.
“Mas mahirap kasi kapag nag-iisip ng ganu’n e. Parang kapag masyado kang nag-o-overthink para sa sarili. Mas hindi mo magagawa.
“So na-realize ko noon bakit hindi ako maging relaxed, isipin ko kung bakit ako nagsimula sa showbiz. Isipin ko ulit kung ano ang passion ko. Passion ko ‘to. So relax and gawin mo.
“Huwag kang masyadong mag-overthink kung magagawa ko ba ito o hindi. Basta gawin mo lang kung ano ‘yung passion mo. gawin mo lang kung ano’ng trabaho mo; intindihin mo lang,” pahayag pa ni Paul.
Malaki rin ang naging bahagi ng kanyang pamilya para ipagpatuloy ang kanyang passion, “Na-help ako nila dad sa ganun, ng family, mas gumaan na ‘yung sarili ko.
“Nagawa ko na rin sa wakas tapos nakapag-adjust na rin ako hanggang ngayon. Nagi-improve pa rin hanggang ngayon,” pahayag pa ng hunk actor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.