Angeline nahawa ng COVID sa taong nakasabay sa pagkain: Siguro napabayaan ko rin ang sarili ko…
TINAMAAN na rin ng nakamamatay na virus ang Kapamilya singer-actress na si Angeline Quinto.
Mismong ang dalaga ang nagkumpirma na nagpositibo siya sa COVID-19 sa pamamagitan ng isang vlog na in-upload niya kahapon sa YouTube.
Pahayag ng biriterang singer, na-expose siya sa isang taong nakasama niya sa bahay na nag-positive rin sa COVID kaya agad siyang sumailalim sa bagong RT-PCR test.
Pag-amin ni Angeline, “Nakasabay ko siyang kumain. Kapag kakain, walang mask. Nakapagkuwentuhan kami…siguro masasabi ko na baka napabayaan ko rin ang sarili ko.”
Ayon pa sa dalaga, talagang inatake siya ng matinding takot at pag-aalala hindi lang dahil marami siyang nakalinyang trabaho kundi pati na rin ang posibilidad na mahawa ang mga nakasalamuha niya nitong mga nagdaang araw at ang mga kasama niya sa bahay.
Kuwento ng singer-actress, agad siyang nag-self-quarantine matapos siyang magpa-test at nang magpositibo nga sa COVID kinailangan na niyang mag-take ng mga gamot at kumpletuhin ang 14-day self-isolation.
“Kahapon po nagpa RT-PCR test ako, medyo may nararamdaman talaga akong hindi tama nu’ng mga nakaraang araw. Parang nag-e-LBM ako, para akong nilalagnat ganyan eh, hindi naman ‘yun normal ho sa akin lalo madalas ho akong nagpupunta ng trabaho.
“Dumating na nga po ‘yung resulta nu’ng Red Cross. Nakakalungkot kasi nag-positive po ako sa COVID. Ito pa naman ‘yung lagi kong sinasabi sa mga katrabaho ko mga kaibigan ko lagi kayo mag-iingat. Parang this time sarili ko yata ‘yung ‘di ko naingatan,” paliwanag ng isa sa mga bida ng Kapamilya inspirational series na “Huwag Kang Mangamba.”
Ilan sa mga symptoms na naranasan niya bago malamang tinamaan siya ng virus ay ang diarrhea at lagnat. Makalipas ang ilang araw ay nawala rin ang kanyang panlasa.
“Buti na lang wala si Mama Bob dito,” sey ni Angeline na ang tinutukoy ay ang pumanaw niyang nanay. “Kung nandito pa ang Mama, baka lalo akong matataranta at mas hindi ko alam ang gagawin ko.”
Ipinakita rin ng dalaga sa ginawa niyang vlog ang kanyang quarantine routine sa loob ng isang linggo kabilang na riyan ang pagmo-monitor ng oxygen level at body temperature.
Sa isang bahagi ng video, mangiyak-ngiyak si Angeline habang sinasabing hindi siya sanay na walang ginagawa at nakakulong lang sa kuwarto.
Pero kung may isang bagay na ipinagpapasalamat niya ngayon yan ay ang resulta ng ng RT-PCR test ng mga kasamahan niya sa bahay.
“Sobrang thankful, dahil wala akong nahawa sa kanila. Sana hanggang matapos ko itong quarantine ko ay maging maayos at wala ako mahawahan kahit isa dito sa amin,” aniya.
Bukod sa tine-take niyang mga gamot at pagpapaaraw sa pamamagitan ng pag-upo malapit sa bintana ng kanyang kwarto, hindi rin siya tumitigil sa pagdarasal hindi lang para sa sarili kundi para sa lahat ng dinapuan ng COVID at mga bayaning frontliners.
Sa huling bahagi ng vlog (ikapitong araw ng kanyang self-isolation) masayang ibinalita ni Angeline na bumubuti na ang kundisyon niya at unti-unti na ring bumabalik ang pang-amoy.
Sa katunayan, kumain na raw siya ng lugaw sabay dialogue ng, “Lugaw is essential!” Na ang tinutukoy ay ang viral video ng isang delivery rider na pinagbawalang mag-deliver ng lugaw sa isang residente dahil hindi raw ito essential good.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.