Angel kay Duterte: Kongkretong solusyon hindi emosyon ang kailangan ng mga Pinoy
“BINASAG” ng TV host-actress at philanthropist na si Angel Locsin ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa patuloy na paglala ng health crisis sa bansa.
Hindi pinalampas ni Angel ang sinabi ng Pangulo sa nakaraan niyang public address na nais na niyang maiyak sa harap ng sambayanang Filipino dahil sa nangyayari sa bansa ngunit naubos na raw ang luha niya.
Bahagi ng pahayag ni P-Duterte, “Gusto ko na nga umiyak sa harap ninyo pero naubos na ang luha ko. Hay, buhay. Kung alam lang ninyo… Para akong dumadaan ng purgatory ngayon, at this time.”
Ayon kay Angel, naiintindihan niya ang nararamdaman at pinanggagalingan ng Presidente pero ang kailangan ngayon ng milyun-milyong Pinoy ay “concrete solutions” sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Instagram Stories, ibinahagi ng aktres ang isang quote card kung saan mababasa ang naging statement ng Pangulo at nilagyan ng caption na, “With all due respect to your feelings for our countrymen, sir, it’s concrete solutions not emotions that we need to hear from you right now.
“Millions of Filipinos wait for you to address the nation. I know your time is precious, but so is ours. Especially now that every step matters.
“You can rant and share with your closest friends but not when addressing the nation. Thank you very much, sir. Please stay safe,” ang matapang ngunit marespeto pa ring pahayag ni Angel.
Nauna rito, binuweltahan din ni Angel ang Pangulo matapos nitong sabihing, “Maliit na bagay ito sa buhay natin. Marami tayong dinaanan mas ano, mas grabe, mas mahirap, mas magluluha. Huwag kayong matakot at hindi ko kayo iiwanan.”
Sagot naman ni Angel na ipinost niya sa Instagram story, “Maliit na bagay? Baka po sa inyo, Sir. Para sa amin po kasi malaki. Malaking utang. Malaking taas ng cases. Malaking human rights violations.”
Isa ang Kapamilya star sa mga local celebrities na maituturing na bagong bayani dahil sa naitulong niya sa milyun-milyon nating mga kababayan na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Nitong Lunes, muling isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region at ang mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa muling pagtaas ng COVID-19 cases.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.