Allan K binalikan ang kamalasang hatid ng 2020: Ano ba itong taon na ito, parang isinumpa?
SA kabila ng matitinding pagsubok na hinarap niya noong nakaraang taon, ipinagmamalaki ng TV host-comedian na si Allan K na hindi siya inatake ng matinding depresyon.
Ayon sa “Eat Bulaga” Dabarkads, mas pinatatag at pinatapang pa siya ng mga ibinigay sa kanyang challenges noong 2020 lalo na noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Bukod sa pagsasara ng dalawa niyang comedy bar (Klownz at Zirkoh), magkasunod pang namatay ang bunsong kapatid na si Jun Quilantang (May), at kapatid na babaeng si Melba Quilantang (July).
Sumunod naman dito ang pagkakasakit niya noong August kung saan nalagay sa panganib ang kanyang buhay matapos tamaan ng COVID-19.
“Hindi ko talaga makalimutan, day 1 ng 2020, sabi ko, ‘This is the day, kaya i-claim niyong lahat, this is a good year kasi doble, bente, bente, dobleng bente.’
“So, ano yun, double whammy yun kumbaga. Pero Enero pa lang, pumutok na yung Taal, nasundan ng kung anu-anong trahedya. Nagpandemya ng March. Nagsara tayo, Klownz and Zirkoh.
“Namatay yung brother ko nung May, nasundan ng kapatid ko nung isa pa nung July. Tapos August, na-COVID ako. Kaya sabi ko nga, ‘Ano ba ‘tong taon na ‘to, parang isinumpa?” dire-diretsong kuwento ng komedyante nang mag-guest siya kagabi sa “The Boobay and Tekla Show” (TBATS) ng GMA 7.
Nagpapasalamat naman si Allan sa Panginoon dahil ginabayan pa rin siya nu’ng mga panahong yun at hindi rin siya tinamaan ng depresyon.
“Pero kung siguro mahina-hina ako, tinamaan na rin siguro ako ng depression. Buti na lang nasanay na talaga ako mag-isa, simula’t sapul, strong na talaga akong tao. Never ako tinamaan ng depression.
“Kung hindi pa nga ako nag-guest sa Eat Bulaga, sa ‘Bawal Judgmental,’ hindi pa ako naiyak, e. Totoo. Sa lahat ng nangyari sa akin, wala akong iniyakan du’n. Doon ko lang nabuhos lahat,” pahayag pa ng Kapuso comedian.
Samantala, positibo rin si Allan K na darating din ang panahon na muling makapagbubukas ang mga comedy bar. Inamin din niya na hindi naging madali sa kanya ang ipasara ang Klownz at Zirkoh.
“Naku napakahirap! Kaya siguro mga apat na buwan pa bago ako mag-decide, apat o lima bago ako mag-decide, na isara na siya.
“Hoping ako na umigi-igi nang konti ang sitwasyon, ang panahon, at magbubukas ulit tayo kahit konti-konti mga tao.
“But then, hindi talaga pumuwede, e. Oo. E, ang laki ng upa natin. So, umuupa nang umuupa na wala namang tumatakbo na negosyo.
“Ang sakit-sakit sa dibdib ko na isinara ko siya. Kasi naging buhay ko na rin yun for 18 years, e. Alam niyo yung, gabi-gabi rin akong nandu’n, ke may show ako o wala,” paliwanag ni Allan.
Ayon pa sa komedyante, 18 years tumagal ang Klownz sa Quezon Avenue, Quezon City habang 16 taon naman ang Zirkoh sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
“Actually, hindi ako nagkaroon ng lakas ng loob na humarap sa kanila (staff), e, sa mga comedians tsaka sa mga tauhan. Kasi ayoko nila akong makitang… for the past eighteen years, nakita nila akong ang strong, strong ko.
“‘Tapos makikita nila akong umiiyak? Ayokong umiyak kasi alam ko namang darating ang panahon na magbubukas ulit tayo, e, yung Klownz or Zirkoh.
“Matapos lang ‘tong pandemic na ‘to, kasi yun lang talaga ang pinakagusto kong negosyo, more than anything. Siya talaga, siya ang buhay ko,” pahayag pa ni Allan K.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.