Big Brother may bagong pasabog sa PBB Connect; ABS-CBN muling kinilala sa Golden Arrow Awards
MAY bagong pasabog na namang magaganap sa loob ng bahay ni Kuya sa susunod na mga araw dahil nalaman na ang official houseguests na makakasama ng housemates para sa isang espesyal na task sa “PBB Connect.”
Sina Christian Bahaya at Russco Jarvina ang nagtagumpay sa online tasks ni Kuya sa ginawang “PBB Connect Online Bahay Ni Kuya” sa Kumu, kung saan silang dalawa ang may pinakamaraming nalikom na diamonds na 32.1 at 27.5 milyon.
Tubong Kiblawan, Davao del Sur si Christian na mahilig ipamalas ang kanyang galing sa pagkanta sa pagsali sa mga kompetisyon. Sa katunayan, naging “Tawag ng Tanghalan” Season 2 semi-finalist si Christian at pumasok din siya sa top 15 ng “Your Moment” kasama ang kanyang boy group na COVE.
Samantala, isang YouTube vlogger at basketball player naman ang 18-anyos na si Russco. Hilig din niya ang pagti-TikTok at pagba-vlog sa YouTube. Sa katunayan, iniidolo ni Russco sina Daniel Padilla, Enrique Gil at James Reid.
Papasok din sa buhay ni Kuya ang dalawang nakakuha ng maraming diamonds noong “PBB Kumunect ng mga Housemates.” Ito ay sina Glenda dela Cruz Victorio (95.9 million diamonds) at Dale Patrick Chua (71.2 million diamonds).
Young CEO ng isang cosmetics at skincare brand si Glenda na may dalawang anak. Kahit maraming naging pagsubok sa buhay, patunay si Glenda na posibleng makaahon sa hirap kapag may determinasyon at lakas ng loob. Napili din siya bilang isa sa top 15 Inspiring Negosyante ng Go Negosyo.
Student achiever naman ang 17-anyos na si Dale. Consistent honor student mula pa noong grade school at isa rin siyang basketball varsity player. Nag-aaral siya ng kursong Accountancy bilang pangarap niyang maging businessman tulad ng mga magulang.
Sa kasalukuyan, kinukumpleto nina Christian, Russco, Glenda at Dale ang mandatory 14-day quarantine bago makapasok sa bahay ni Kuya. Anong task kaya ang gagawin ng official houseguests kasama ang housemates?
Tutukan iyan at iba pang mga pangyayari sa “PBB Connect,” hosted by Toni Gonzaga, 10 p.m., Lunes hanggang Sabado sa A2Z channel 11, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, at ABS-CBN Entertainment Channel.
* * *
Muling kinilala ang ABS-CBN dahil sa maayos na pamamalakad nito sa kumpanya kasama ang iba pang mahuhusay na organisasyon sa Pilipinas sa ginanap na ASEAN Corporate Governance Scorecard (ACGS) Golden Arrow Awards kamakailan.
Tulad noong 2018, tanging ang ABS-CBN lang ang media company sa mga organisasyong pinarangalan para sa kanilang magandang pamamalakad base sa isinagawang ACGS noong 2019.
Ang ACGS ay ginagamit sa anim na bansa na kasapi ng Association of Southeast Asian Nations upang suriin at palakasin ang pamamahala at pagpapatakbo sa mga “publicly-listed” na kumpanya sa Pilipinas, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam.
Tinitingnan nito ang mga karapatan at pagtrato sa shareholders, ang pagiging bukas at tapat ng organisasyon, mga responsibilidad ng board, at iba pa ng mga kumpanya.
Maliban sa ABS-CBN, pinarangalan din sa Golden Arrow Awards and ibang kumpanya ng Lopez Group, ito ang Lopez Holdings Corporation at First Gen Corporation.
Isinasagawa ang ACGS Golden Arrow Awards ng Institute of Corporate Directors, isang organisasyong may layuning gawing propesyunal ang pamamalakad sa mga kumpanya sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.