Lil Wayne, Kodak Black kabilang sa 73 na pinalaya ni Trump
Kabilang ang mga rapper na sina Lil Wayne at Kodak Black sa 73 na bilanggo sa America na pinatawad ng papaalis nang si President Donald Trump.
Sinabi ni Trump na si Wayne ay “nagpakita ng kabutihang loob sa pamamagitan ng kanyang commitment sa iba’t ibang mapagkawang-gawang aktibidad, kabilang na ang mga donasyon sa research hospitals at mga foodbanks.”
Si Wayne, 38, na ang totoong pangalan ay Dwayne Michael Carter Jr., ay umamin na nagkasala nitong Disyembre sa kasong ilegal na pagmamay-ari ng baril. Pinatawan siya ng parusang hanggang sa 10 taong pagkabilanggo.
Nahuli si Wayne na may dalang baril at mga bala nang siyasatin ng pulis ang isang pribadong eroplano na kinalululanan ng sikat na rapper sa Miami noong Disyembre 2019.
Sinabi niya na ang gold-plated na pistola na nakita sa kanyang mga gamit ay regalo sa kanya noong Father’s Day.
Nakumpiska rin ng pulisya ang mga ipinagbabawal na gamot gaya ng cocaine, marijuana, ecstasy at heroin.
Si Wayne ay dati nang nasentensiyahan sa hiwalay na kasong kaugnay pa rin sa baril may isang dekada na ang nakararaan. Ang mga nasentensiyahang kriminal sa US ay bawal magmay-ari ng baril sa ilalim ng federal law.
Kabilang ang five-time Grammy winner sa mga celebrities na masugid na sumusuporta kay Trump.
Si Black o Bill Kahan Kapri sa totoong buhay, 23, ay nasentensiyahan naman ng apat na taong pagkabilanggo dahil sa pagbibigay ng maling pahayag para makabili ng baril.
Manunumpa ngayong Miyerkules, Enero 20, si Joe Biden bilang ika-46 na pangulo ng Estados Unidos matapos niyang talunin sa halalan si Trump.
May ulat mula sa Agence France-Presse
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.