Claire sa pagpapalaya sa 3 suspek sa Dacera case: Kung may fighting chance sila, may fighting chance ang anak ko
IPINAKITA at ipinaramdam ng veteran singer na si Claire dela Fuente ang kanyang pagsuporta sa mga inaresto ng pulis na pinaghihinalaang may kinalaman sa pagkamatay ni Christine Dacera.
Isa si Claire sa mga sumalubong sa tatlong suspek na pinalaya ng mga otoridad kahapon makalipas ang ilang oras na pagkaka-detain sa presinto.
Kinilala ang mga ito na sina John Pascual Dela Serna III, Rommel Galido at John Paul Halili.
Pinakawalan ang tatlo dahil kulang ang mga ebidensiyang magpapatunay na sangkot sila sa pagkamatay at panggagahasa sa flight attendant.
Isa ang anak ni Claire na si Gregorio Angelo Rafael de Guzman sa mga pinaghihinalaang may kinalaman sa kaso ni Christine. At ayon sa OPM singer at negosyante, nagpunta siya sa Makati City police station para ipakita ang simpatya niya sa mga inarestong suspek.
“Masaya ako for them. Siyempre, kung may fighting chance sila, may fighting chance ang anak ko, di ba?” ayon kay Claire sa panayam ng GMA.
Nauna rito, naglabas din ng hinanakit si Claire sa mga taong nanghusga agad sa kanyang anak kahit hindi pa napatutunayang may kinalaman siya sa kaso.
“Ito siyempre nasasaktan dahil dyina-judge ka na wala pa naman nakikita, wala pang ebidensya. Alam mo yun. ‘Yung ganoon napakabigat.
“Nasa prosecutor’s office na (ang kaso), so ibinigay na ng police doon, nag-file na sila, nasa isang regular filing po ‘yung ginawa nila, so mangyayari po dito ay mag-aantay kami ng subpoena tsaka kami maglalabas ng kanyang affidavit,” pahayag pa ni Claire sa isang panayam.
Mariing itinanggi ng anak ng singer na pinatay at ginahasa nila si Christine, “Absurd po. Paano ba naging rape? Bakla po ako. Never po akong nakipagtalik sa babae ever in my life. Hindi ako natu-turn on ng babae.
“Nandoon po kami. Hindi namin iniwan si Tin. Until the end, hindi namin iniwan si Tin. Kaya ang sakit ng mga sinasabi nila. Hindi nila alam ang nangyari. Tumingin sila sa CCTV nando’n kami, sa police station, sa ospital, sa hotel,” paglilinaw pa ni Gregorio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.