Sino ang nagpabaya sa Covid-19 vaccine? | Bandera

Sino ang nagpabaya sa Covid-19 vaccine?

Atty. Rudolf Philip Jurado - December 31, 2020 - 04:55 AM

Bakit Sinovac?

Ito ang naging katanungan ng ating kababayan matapos mapabalitang mayroon lang itong higit sa 50% efficacy rate o mas mababa sa mga ibang vaccine na gawa sa US, Russia at Europe. Ilang mambabatas din ang nagpahayag ng kanilang pananaw kontra sa pagbili ng Sinovac ng lumabas ang balitang ito.

Kung totoo ngang mas mababa ang efficacy rate ng Sinovac kumpara sa mga naunang mga lumabas at ginagamit na vaccine sa ibang bansa gaya ng Pfizer, Moderna, Sputnik V at AstraZeneca, bakit natin ito bibilhin?

Ayon sa mga eksperto at statistician, ang efficacy rate o yung performance ng vaccine sa clinical trials ay maaaring magsabi kung ang vaccine ay magiging epektibong panlaban sa Covid-19. Mas mataas ang efficacy rate mas mataas ang effectivity rate. Sa madaling salita, maaaring mas epektibo laban o kontra sa Covid-19 kung mas mataas ang efficacy rate.

Ang Pfizer ay mayroong 95% efficacy rate. Ang Moderna ay  may 94.5%. Hindi naman nalalayo ang Sputnik V na may 91.4% efficacy rate. Kung talagang mas mababa ang efficacy rate ng Sinovac, bakit nga ba natin bibilhin ito?

Kung ang presyo ang pag-uusapan, mas mahal din ito sa Pfizer, Sputnik V at AstraZeneca. Maaaring mas mura ang Sinovac sa Moderna na may presyong Php3,904, ngunit ito naman ay malayong mas mahal sa Pfizer na may presyong Php2,379 at sa Sputnik V na may presyong Php1,220. Ang AstraZeneca ay may halaga lamang na Php610. Ang Sinovac ay nagkakahalaga ng Php3,629.50. Sa ating procurement laws (RA 9184), ang ating pamahalaan ay naatasan maghanap ng lowest calculated responsive bid. Pero kung mas mura ang iba, na maaaring pareho lamang na epektibo, bakit Sinovac ang bibilhin natin?

May Php72.5 Billion na nakalaan na budget sa 2021 General Appropriation Act upang gamiting pambili ng vaccine kontra o panlaban sa Covid-19. Kung ang bibilhin at gagamitin ay ang gawa ng Pfizer, higit 30.484 milyon ang mababakunahang kababayan natin. 59.426 milyong naman kung Sputnik V at 118.852 milyon naman kung AstraZeneca ang bibilhin at gagamitin. Pero bakit Sinovac ang bibilhin kung 19.975 milyong tao lang ang kayang bakunahan base sa ating budget na Php72.5 Billion?

Mahigit na 10 milyon pang kababayan natin ang mababakunahan kung ang Pfizer ang bibilhin. Nasa 39 milyon naman kung Sputnik V at halos lahat ng Filipino ay mababakunahan  kung ang AstraZeneca ang kukunin. Pero bakit Sinovac pa din ang bibilhin?

Ang Sinovac, gaya ng iba pang mga vaccine na sinuri at ginawa ng mga eksperto at batikang scientist, ay maaaring ligtas gamitin at epektibo  laban o kontra sa Covid-19, pero ito ba ang pinaka-epektibo at murang vaccine na dapat bilhin ng ating pamahalaan para magamit ng ating mga kababayan. Common sense ang magsasabi na dapat ang pamantayan sa pagbili ng vaccine ay yung pinaka-mabisa at epektibo, ligtas gamitin at mababa ang presyo. Value for money ika nga.

Pera ng taong bayan ang gagamitin sa pagbili ng vaccine laban sa Covid-19. Nararapat lamang na ibigay sa kanila ang pinakamahusay at pinaka epektibong vaccine. Legal at moral obligations ng pamahalaan na tiyakin ito.

Maliwanag na may pagkukulang ang ating pamahalaan sa paghahanda at pagplano kung saan at papaano bibili at makakakuha ng vaccine na mas epektibo at mura. Dapat ito ay nagawa na noong una pa lang nagsimula ang pandemya. Pero tila tinutok lahat ng attention ng ating pamahalaan ang pagbili at pagkuha ng vaccine sa China. Inuna ng pamahalaan ang geopolitics imbes na kalusugan ng taong bayan. Dahil dito sa kapabayaan ito, marami sa ating kababayan ang maaaring hindi mababakunahan ng vaccine laban sa Covid-19. Kung mabakunahan man ay sa  mas mahal na presyo na. Sayang ang pera na dapat ay magagamit pa pambili ulit ng vaccine para sa ating mga kababayan.

Sino ang nagpabaya? Sino ang nagpumilit sa mas mahal na Sinovac? Sino ang dapat managot sa kapabayaang ito, na magsasanhi ng pagwaldas ng pera ng taong bayan, at maaaring ikamatay ng ilan na hindi mababakunahan.

Postscript:

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Habang sinusulat ang column na ito, hindi pa din official na nagdedeklara ang Sinovac ng kanilang efficacy rate. Nauna ng sinabi ng isang Turkish official na ang Sinovac ay may 91.25% efficacy rate  (New York Times). Ayon din  sa reutercom, ang efficacy rate ng Sinovac sa Brazilian trials ay nasa pagitan ng 50% hanggang 90%

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending