Kabataan Partylist nagsampa ng kaso laban sa ilang opisyal kaugnay sa red-tagging
Nagsampa ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman si Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago laban sa mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa umano’y “malisyosong pag-atake” ng grupo sa kanya at sa iba pang progresibong mambabatas.
“The NTF-ELCAC has been using people’s money to maliciously attack progressive individuals and groups, including the youth,” ayon kay Elago, na bilang bahagi ng Makabayan Bloc sa Kamara ay binabansagan ng ultra-rightist group na front ng Communist Party of the Philippines.
Sinampahan ni Elago ng reklamo sina Armed Forces Southern Luzon Command chief Lt. Gen. Antonio Parlade, Presidential Communications Undersecretary Lorraine Badoy, National Intelligence Coordinating Agency director-general Alex Monteagudo, National Security Adviser Hermogenes Esperon, at Interior Secretary Eduardo Año.
Inakusahan niya ang mga nasabing opisyal ng aktibong paninira sa kanya sa social media at iba pang pampublikong plataporma ng komunikasyon.
Bagamat may mga atakeng ginawa sa pamamagitan ng personal na account ng mga nasabing opisyal, sinabi ni Elago na suportado pa rin ito ng mga institusyon ng gubyerno dahil ginagamit nila ang opisyal na logo ng mga institusyong kanilang kinakatawan at pati ang kanilang opisyal na titulo.
“By red-tagging us, the government through the NTF-ELCAC not only discredits our legislative work and diverts attention away from pressing issues. It also puts at risk our lives, and the lives of those they work with,” wika ni Elago.
Sinabi rin ng Kabataan Partylist na hindi ito mananahimik lamang sa harap ng “patuloy na pag-atake ng mga ahente ng estado sa aming pangalan at sa kaligtasan ng aming mga kasapi.”
“Ang pagsasampa ng kaso ay isang paraan ng kabataan para labanan ang mga pag-atakeng ito,” ayon pa sa partylist group.
Mula sa ulat ni Cathrine Gonzales
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.