P900M pondo para sa national broadband, ‘katawa-tawa’–Poe
Tinawag na katawa-tawa ni Senator Grace Poe ang kakarampot na panukalang P900 milyong pondo para sa National Broadband Program (NBP) ng gobyerno.
“Masaya akong ibalita sa inyo na sa tulong ng ating mga kasamahan na senador, itinulak nating maitaas ang badyet para sa national broadband dahil binigyan lamang ito ng P900 milyon sa NEP (National Expenditure Program) na sa tingin ko ay katawa-tawa,” ani Poe sa ginawang pagdinig ng Senate committee on public services na kanyang pinamumunuan nitong Lunes.
Programa ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang NBP.
Una nang hiniling ng DICT na mabigyan ng P18 bilyong pondo ang NBP ngunit ito’y tinapyasan at ginawang P900 milyon lamang nang pormal na ihain sa Kongreso ang panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon.
Pagdating sa Senado, itinaas sa P5.9 bilyon ang pondo sa para sa national broadband.
“This is just for the first phase. We have to contend with the DICT’s absorptive capacity which is why we didn’t go all out,” dagdag ni Poe.
Tinukoy din sa pagdinig sa komite ang malalaking badget na inilalalaan ng ibat’ ibang bansa para pagandahin ang serbisyo ng internet sa kanilang lugar base na rin sa datos ng National telecommunications Commission.
Ang Vietnam halimbawa ay may $820 milyong pondo para pabilisin ang kanilang internet, $233.6 milyon sa Malaysia, $343 milyon sa Thailand at $1.7 bilyon naman sa Singapore.
Dahil dito, binigyang diin ni Poe ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang internet connection, lalo na sa sektor ng edukasyon ngayong may pandemya.
“Dapat ituring nating pangunahing pangangailangan ang internet at dapat siguruhin ng gobyerno na lahat ay may access dito upang magamit sa edukasyon lalo na ng mahihirap nating mga kababayan,’
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.