Regine, Jake, Nicole Scherzinger, iba pang world-class artists sanib-pwersa sa ‘Kaibigan: OPM Collective’
INILUNSAD na ng Filipino-American music director to the stars na si Troy Laureta ang album na “KAIBIGAN: A Troy Laureta OPM Collective,” tampok ang boses ng ilang world-class artists.
Kabilang na nga riyan sina AILEE, Cheesa, Jake Zyrus, Matt Bloyd, Nicole Scherzinger, Pia Toscano, Regine Velasquez at Sheléa.
Isang co-production kasama ang ABS-CBN Music International, layunin ng “KAIBIGAN” na ibida ang OPM love ballads sa buong mundo.
Maririnig dito ang “Harana” bilang panimulang kanta at sinusundan ito ng walong awitin na tinugtog ng mga musikero mula sa US at Asya at inawit ng mga kaibigan ni Troy mula sa industriya.
Ang South Korean artist na si AILEE ang umawit ng Martin Nievera hit na “Kahit Isang Saglit,” na isa sa paboritong karaoke anthem ng ama ni Troy.
“AILEE is a massive star from South Korea, and I am such an admirer of her extraordinary gift. I knew she would be perfect to interpret and do this song justice,” ani Troy.
Ang YouTube star at phenomenal singer na si Matt Bloyd mula sa Los Angeles naman kumanta ng “Bakit Pa Ba” ni Jay-R mula sa komposisyon ng paboritong OPM songwriter ni Troy na si Vehnee Saturno.
Samantala, ang “The Voice (US)” season 2 quarterfinalist at nakababatang kapatid ni Troy na si Cheesa ang napiling umawit ng Jessa Zaragoza original na “Bakit Pa.” Ayon kay Troy, paborito nilang magkapatid awitin ang kanta noong mga bata pa sila.
Hiniling naman ni Troy sa dating miyembro ng Pussycat Dolls na si Nicole Scherzinger na maghandog ng interpretasyon sa “Pangako” na unang inawit ni Regine.
Aniya, “I wanted Nicole to do this song because of its significance of a promise. Nicole and I share Filipino roots, and although we’ve been in America, like the song says, we promise to never forget, never leave, [and] always love our roots.”
Para naman sa “Kailangan Kita” na isinulat ni Ogie Alcasid, pinili niyang umawit nito ang “American Idol” season 10 finalist na si Pia Toscano. Ayon kay Troy, may talento sa pagbirit ang New York-based singer.
Si Jake Zyrus naman ang nagbigay-buhay sa kantang “Usahay,” na inaalay ni Troy sa kanyang lola at ina na nagmula sa Cebu.
“I wanted to do a simple version of this song with Jake, concentrating on his tone and drawing out the emotion that exudes from a song like ‘Usahay,’” aniya.
Isinama rin ni Troy ang komposisyon ni Jonathan Manalo at unang inawit ni Angeline Quinto na “Patuloy Ang Pangarap” dahil sa mensahe ng kanta, at napili niya ang American singer, songwriter, at pianist na si Sheléa para sa bagong version nito.
Tinapos ni Troy ang album sa pamamagitan ng espesyal na awitin para sa kanyang lolo, ang “Hanggang Sa Dulo ng Walang Hanggan” na kinanta ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez. Aniya, ang awiting ito ay nagpapahayag ng kanyang “undying love” para sa pinanggalingan niya at para sa kultura at musikang Pinoy.
Pakinggan ang “KAIBIGAN” album sa iba’t ibang digital platforms worldwide at panoorin ang lyric videos nito sa YouTube channel ng Star Music.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.