Duterte ilalabas ang bagong quarantine classifications sa Lunes
Sa darating na Lunes, Nobyembre 30, ilalabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong quarantine classifications sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may pagpupulong sa araw ng Huwebes, November 26, ang Inter-Agency Task Force at inaasahang magbibigay ng bagong rekomendasyon kay Duterte.
Sa ngayon, nakikita naman aniya na may pagbaba sa mga naitatalang kaso ng COVID-19 at umaasang maipagpapatuloy ang ganitong trend.
Samantala, sinabi naman ni National Task Force agains COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na batay sa napagkasunduan ng Metro Manila mayors maging ng iba pang alkalde sa ibang lugar sa bansa, kung gagawin mang modified general community quarantine ang bagong status ay pagkatapos na ng holiday season.
Nag-iingat pa rin kasi aniya ang mga local government unit para hindi sumirit ang kaso ng COVID-19 sa kani-kanilang mga nasasakupan sa panahon ng Pasko.
Kaya paalala ni Galvez sa mga LGU, siguruhing nasusunod pa rin ang mahigpit na minimum health protocol kahit pa pinapayagan ang economic activities kaakibat ng nalalapit na Pasko at Bagong taon.
Sa kabila nito, sinabi ni Galvez na nasa pagpapasya pa rin ni Duterte ang kalalabasan ng magiging anunsyo nito sa Lunes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.