Pacquiao pinadanas ng hirap ang mga anak: Gusto ko paglaki nila hindi sila matapobre at mayabang
PAULIT-ULIT na sinasabi nina Sen. Manny at Jinkee Pacquiao sa kanilang mga anak na huwag na huwag maging matapobre at mayabang.
Ayon sa Pambansang Kamao, nais niyang lumaking mabubuti at matulungin ang mga anak kaya naman hindi siya nagsasawang paalalahanan at pagsabihan ang mga ito.
Nang dahil sa lockdown dulot ng COVID-19 pandemic nagkaroon si Pacquiao ng sapat na panahon para makasama at maka-bonding ang kanyang pamilya. Marami rin siyang nadiskubre sa kanyang sarili at sa mga anak habang naka-stay at home lang.
“Ang na-realize namin sa quarantine na ito, maganda ang nangyari dahil yung kulang na time namin sa kanila at kulang na time nila sa amin ay sobra-sobra na dahil napunuan na ang lahat, sobra-sobra pa.
“Ang relationship namin, talagang malapit na. Lalo pang gumanda yung relationship namin,” pahayag ni Pacman sa panayam ng GMA.
Talaga raw tinuruan nila ni Jinkee ang mga bata ng mga gawain sa bahay habang ine-enjoy ang buhay-probinsya sa General Santos City.
“Tinuturuan namin sila ng mga gawaing bahay, yung mga ginagawa ng mga naghihirap na tao.
“Actually, dinala nga namin sila sa GenSan para mag-aral. Doon sila nakapag-aral ng dalawang taon para ma-experience nila yung buhay ng mahihirap.
“Doon sila nag-aaral sa walang aircon na school for two years. Gusto ko kasi talaga na ma-experience nila, ma-realize nila na ang buhay ay hindi lang puro sarap dahil yung kinagisnan nila masarap na, e.
“Pero yung pinagdaanan namin, gusto ko ma-realize nila para pagdating ng araw, hindi sila matapobre.
“Gusto namin sila maging compassionate and helpful to others. ‘Yan ang gusto ko sa kanila.
“God is good naman, mababait naman silang lahat, nirerespeto kami, at sumusunod sa kung anong advice namin sa kanila,” chika pa ng senador.
Pagpapatuloy pa niya, “Ang mga hirap na pinagdaanan namin pinapaintindi namin sa kanila para pagdating ng panahon sila naman, hindi sila maging matapobre o mayabang.
“Gusto ko humble sila, matulungin sila at sumusunod sa Panginoon,” sey pa ng boxing champ patungkol sa kanyang mga anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.