Dagdag na 429 na unit ng UV Express, 20 provincial buses papayagang bumiyahe simula Lunes
Magbubukas ng karagdagang anim (6) na UV Express routes ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na magbibigay permiso sa dagdag na 429 UV Express units na maaaring bumiyahe sa Metro Manila simula Lunes.
Ayon sa LTFRB ang mga karagdagang UV Express routes na bubuksan ay ang mga sumusunod:
• C65 Calumpit (Bulacan) – CIT (Quezon Avenue)
• C66 Cogeo – Cubao via Marcos Highway
• C67 Cubao-Padilla via Ermin Garcia, Marcos Highway
• C68 Robinson’s Cainta – Edsa Central
• C69 Alabang – Imus Toll Bridge
• N55 SM North EDSA – SM Fairview
Samantala, inaprubahan din ng LTFRB ang pagbubukas ng dalawang (2) provincial bus routes para sa 20 Provincial Public Utility Bus (PUB) na maaaring bumiyahe simula din sa Lunes.
Narito naman ang mga sumusunod na Provincial PUB routes na bubuksan:
• Davao City – Tacloban City
• Davao City – Ormoc City
Maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUVs na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity, at kinakailangang naka-rehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.
Bilang kapalit ng Special Permit (SP), mayroong QR Code na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Mada-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB https://ltfrb.gov.ph/.
Muling pinapaalala ng ahensya na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga naturang UV Express at PUB, maliban na lang kung ipag-uutos ito ng LTFRB.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.