Hugot ni Rabiya sa ama: Sana malaman niya ’yung anak niya Miss Universe Philippines na
NAPALUHA si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo nang magkuwento tungkol sa tatay na Indian na nang-iwan sa kanila ng kanyang ina ilang taon na ang nakararaan.
Limang taong gulang pa lang daw siya ay iniwan na sila ng amang si Syed Mohammed Abdullah Moqueet Irfan Hashmi kaya talagang nagsumikap ang kanyang nanay para maitaguyod siya.
Ang kuwento raw ng nanay niya, Indian pero American citizen ang tatay niya at nag-take raw ng licensure exam for medicine sa US pero hindi na bumalik. Nagpapadala naman daw ito ng pera nu’ng mga unang buwan pero bigla ring natigil.
“Hirap na hirap po talaga financially kaya sabi ko kailangan ko talaga tulungan si mama. Hindi na po ako mahihiyang magsabi, nangungutang po siya sa ibang tao kapag naso-short kami.
“Kaya namulat din po ako na, sinabi ko na kung magiging tamad ako, kung hindi ko gagalingan sa pag-aaral, buong buhay namin baka iyong danasin namin at hindi po pupuwede iyon,” pahayag ni Rabiya sa panayam ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” kagabi.
“Tapos si Mama, naalala ko po talaga ito maliit pa kami, Pumunta kami sa apartment ng kapatid ni daddy. Tapos pagdating namin doon sa apartment, wala na rin po ’yung mga kapatid ni daddy. So it was a plan to leave us behind.
“Siguro mas doon ako nanghihinayang, sa fact na si daddy siguro nandito, hindi kami maghihirap, hindi namin kailangan pagdanasan na maputulan ng kuryente, na nahirapan kami para pag-aralan ni mama,” chika pa ni Rabiya.
Never din daw siniraan ng nanay niya ang ama kaya kahit iniwan sila nito ay hindi ganu’n katindi ang galit niya rito, “Sinasabi ko na lang, kailangan ko talagang mag-aral nang mabuti. Kailangan mag-graduate ng cum laude kasi kapag nakita ako ni Daddy, I’m sure magiging proud talaga siya.”
Sa kabila ng lahat, nais pa rin niyang makita uli ang ama, “My dad’s name po is Syed Mohammed Abdullah Moqueet Irfan Hashmi and alam ko po ‘yung birthday niya is May 22.
“And the last time I heard is he’s in Chicago with his family. Kasama niya ang mother niya, ang dad niya, ’yung dalawa niyang sibling, si Tito Rizmon and si Tito Imran,” panawagan pa ng beauty queen.
Dagdag pa ni Rabiya, “I tried my best to look for him pero wala po talaga, eh. Pero hindi ko alam. Ramdam ko kasi na deep down in my heart na one of these days magkikita kami ni daddy.
“And with Miss Universe nga, sabi ko thank you talaga Lord kasi binigay mo ito sa akin, kasi hindi lang mai-improve ang life ng family ko sa Iloilo, pero pati chance ko na rin ’to para ma-reconnect sa biological dad ko. Gusto ko lang po talaga na malaman kung my dad is okay,” chika pa ng dalaga.
“And so sana, sana talaga through KMJS makita niya at malaman niya ’yong anak niya na Miss Universe Philippines na,” ang maluha-luhang pahayag pa ni Rabiya Mateo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.