Marcelito apektado sa bagyong Rolly: Sobrang takot ko kasi wala ako roon, gusto kong makasama pamilya ko
GRABE ang nararamdamang takot at pag-aalala ng singer na si Marcelito Pomoy matapos manalanta ang bagyong Rolly sa Quezon.
Hindi lang ang COVID-19 pandemic ang pinoproblema ngayon ni Marcelito para makauwi sa Calauag, Quezon kundi pati na rin ang pagbayo ng super typhoon sa kanilang probinsya.
Gustuhin man niyang makauwi agad doon para makasama ang pamilya ay baka mas mahirapan siya dahil nga sa mga naapektuhang daan patungo roon dahil sa bagyong Rolly.
“Ang na-realize ko kailangang mag-ingat. Ito ang panahon na kailangan nating magdasal.
“‘Yung tipong maging safe tayong lahat, hindi lang dito sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo,” mensahe ni Marcelito sa madlang pipol nang mag-guest sa “Magandang Buhay.”
Dito nga nabanggit ng singer na nangangamba siya dahil malayo siya kanyang pamilya nang bagyuhin nang todo ang Calauag, Quezon. Nag-aalala rin daw siya sa kalagayan ng mga tagaroon na nasalanta ng super typhoon.
“Siyempre hindi yun mawawala sa akin, kasi hindi ko sila kasama. Ang hirap kasi sa sitwasyon ngayon na may COVID pa, ‘yun ang problema roon.
“Sobrang takot ko kasi wala ako roon gusto ko makasama ang asawa ko. Gusto ko anuman ang mangyari nandiyan ako sa tabi nila, ‘yung tipong ganu’n.
“‘Yung mahahawakan ko sila. Kung kailangang i-save bilang magulang, bilang tatay,” emosyonal pang pahayag ni Marcelito na ramdam na ramdam ang pag-alala sa kanyang pamilya.
Sabi ng singer, maayos naman ang kalagayan ngayon ng asawa’t anak na kasalukuyang naninirahan sa kanyang biyenan.
“As of now, okay sila. Bago pa ang bagyong Rolly, pinaghandaan na namin ‘yan. Tinatawagan ko. ‘Kailangan niyong maghanda,'” sabi pa ni Marcelito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.