Alden 3 beses nakasaksi ng exorcism: Walang hangin, sumara lahat ng pinto sa bahay, as in may nagagalit
TATLONG beses nang naka-experience ng aktuwal na “exorcism” ang Asia’s Multimedia star na si Alden Richards.
Naikuwento ito ng Kapuso TV host-actor sa Halloween episode ng “Bawal Judgmental” sa “Eat Bulaga” kahapon kung saan ang celebrity contestant ay ang beauty queen na si Shamcey Supsup.
“Tatlong beses na po (nakakita ng actual exorcism), dalawang beses sa bahay, tapos isang beses sa tao. ‘Yung unang beses po, ‘yung bahay namin sa Laguna.
“Kasi, noong kumuha po ako ng bahay para sa amin, nakuha ko po ‘yung property na may nakatayo ng bahay dati. Tapos pina-renovate lang po namin ‘yun para maging bago ‘yung lahat ng laman sa loob.
“Ang usapan lang po namin ng contractor ko, hanggang four months lang po namin siya gagawin.
“Nagtataka po ako, 10 buwan na, parang walang natatapos, every time na chini-check ko siya weekly.
“Nagrereklamo ‘yung mga nagtatrabaho doon na may nakikita sila sa master’s bedroom area tapos lagi po kaming nasisiraan ng gamit.
“Nagtaka na po ako nu’n, so nag-consult na ako sa mga kaibigan ko. Wala pa ako no’n alam sa exorcism. Nasa Eat Bulaga na po ako no’n,” tuluy-tuloy na kuwento ng binata.
Ang tumulong daw sa kanya para mapalayas ang masasamang ispiritu sa bahay nila ay si Fr. Jeff Quintela na miyembro ng Philippine Association of Catholic Exorcists at Chief Exorcist of the Diocese of Antipolo.
Patuloy ni Alden, “Parang God’s will na rin po na nakilala ko si Father Jeff, kasi bago ko pa pagawin ‘yung bahay na-meet ko na si Father Jeff, randomly naikuwento ko lang na nagpapagawa ako ng bahay at hindi matapus-tapos.
“Ang ipinapagawa sa akin, mag-alay daw po ako ng manok, all along akala ko normal ‘yun. Nu’ng nagkuwentuhan kami ni Father Jeff doon na po nabukas ‘yung pag-iisip ko about exorcism.
“Sabi niya, ‘Chard, huwag mong gagawin ‘yan, hindi ‘yan tama. Lalo mo lang palalakasin ‘yung presensya sa bahay mo. You’re patronizing that omen, which is very wrong in the Bible,'” aniya pa.
“The day na nag-agree kami ni Father Jeff na i-exorcise ‘yung bahay namin, ang dami nang pumigil. Naligaw sila nu’ng papunta sa bahay namin, ang dali lang po hanapin ng bahay namin.
“Pagdating ni Father Jeff sa bahay, ‘yung sakit ng ulo niya on a scale of one to ten, nasa eight. Sabi niya na sa akin nu’n, ‘Chard, malakas.’ Balisang-balisa si Father pagkapasok sa bahay,” ani Alden na mas ikinatayo pa ng balahibo ng kanyang mga kasamahan sa “Eat Bulaga.”
“Nilabas na po ni Father ‘yung exorcism book at nag-umpisa na po siyang magbasa ng prayers. Pagkasabi po niya ng basic line ng prayers ng mga exorcist, dumilim.
“Walang kahangin-hangin, sumara lahat ng pintuan ng bahay pati ‘yung gate, sabay-sabay, as in may nagagalit.
“Sabi po ni Father, ‘Huwag kayong matakot tuloy lang tayo sa dasal.'”
“Matagal na pong nanirahan sa bahay yung masamang elemento. Lumang-luma po ‘yung bahay nu’ng nakuha ko siya. Tinuloy ang prayers at ang rites and things that need to be done,” patuloy na kuwento ni Alden.
Aniya pa, “Hindi ko po in-expect na sa buhay natin may ganoon. Akala ko fiction lang siya.
“Hindi ako natakot, nagulat ako na nangyayari siya. Gusto ko mapalakas yung faith ko kay Lord. Pero habang ginagawa ko yun, yung right arm ko nagkakaroon ng scratch. Tapos, nagsisimula na mag-form ‘yung maliliit na kuko hanggang sa dumugo, ng walang ginagawa,” dugtong ng binata.
Pinahiran daw ni Father Jeff ng exorcism oil ang mga sugat niya at unti-unti itong nawala. Sa ngayon, maayos na raw ang sitwasyon nila sa bahay, “Sobrang daming blessings na dumating, magaan na ‘yung bahay.”
Samantala, isa pang nasaksihan niya ay ang actual exorcism nang saniban ng bad spirit sa isa niyang fan.
“Recently, ang tinulungan ko naman isang fan ko na na-possess. Akala niya nakakakita lang siya ng multo and it’s a blessing or a skill.
“Ang desisyon ko nu’ng una, ipag-pray over ko lang ito and eventually we found out, possessed pala siya,” aniya.
At ang ikatlong encounter niya ay nang tulungan niya ang isang kaibigan na bigla na lang nagkaroon ng skin problems matapos ipaputol ang puno sa bahay nila.
Agad daw niyang pinuntahan ang kaibigan kasama uli si Father Jeff, “Umiikot na kami to bless the place, tapos may nag-growl, narinig ko ‘yun sa likod ni Father Jeff.”
“Wala akong third eye, wala akong nakikita, o nararamdaman. Pero kapag nandoon ka na sa moment na ‘yun, merong bigat tapos meron kang minsan maririnig, maaamoy, totoo ‘yun, ‘yung senses namin ‘yun,” kuwento pa ng Pambansang Bae.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.