Hontiveros nagbabala sa panganib ng panghihimasok ng Chinese Communist Party sa Pilipinas
Isang malaking kalokohan para kay Senator Risa Hontiveros na pinahihintulutan ng Pilipinas ang China na magtayo ng cell sites sa mga military camps sa kabila ng patuloy na sigalot ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.
Nagbabala si Hontiveros na “very material” ang isyu na ang Dito Telecommunity, bilang third telco sa bansa, ay 40 porsyentong pagmamay-ari ng pamahalaan ng China. Ito ay sa harap ng napapabalitang paggamit ng Beijing sa telcos para umano’y magsagawa ng cyber surveillance sa iba’t ibang bansa.
“Be circumspect. Isn’t it foolish to allow a foreign entity, one with which we have territorial disputes, to put up a telco inside our military camps and then eventually spend for their potential cyberattacks?” wika ng senador.
Dati nang sinabi ng Department of National Defense na ang pagiging kasosyo ng China sa Dito ay “immaterial” sa isyu ng seguridad ng bansa.
Sa United States, Australia at Vietnam, ipinagbawal ang mga 5g equipment na galing sa mga kumpanyang Chinese dahil ginagamit umano ang mga ito sa cyber espionage.
“Hindi ito panghihimasok lang ng isang ordinaryong kompanya. Panghihimasok ito ng Chinese Communist Party, ang Politburo nila mismo,” pagbibigay-diin niya sa pagdinig ng Senado sa budget ng DND kamakailan.
“China is clearly trying to gather data that could compromise the Philippine Navy, our first line of defense in the West Philippine Sea. Dapat nakalaan ang cybersecurity budget ng DND sa paglaban sa patuloy na pananalakay ng Tsina kung tunay na gusto nating protektahan ang ating soberanya,” dagdag ni Hontiveros.
Dati na ring nanawagan ang senadora sa Commission on Audit na repasuhin ang 2020 spending ng DND sa cybersecurity sa harap ng panukalang P500-million fund ng ahensiya para sa kaparehong kategorya sa 2021, gayundin ng kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng Dito.
“What we need to see from the DND is a robust cybersecurity roadmap that does assure us that our Armed Forces is more than ready for inevitable cyber threats,” ani Hontiveros.
Binigyang-diin niya na isa sa pinakamalaking cybersecurity threats sa bansa ay ang patuloy na “interception efforts’”ng China-backed groups.
Magugunitang noong nakaraang Mayo ay tinarget ng mga pinaghihinalaang Chinese People’s Liberation Army hackers ang Philippine government agencies at government-owned companies sa layuning makakalap ng “geo-political intelligence.”
Sinabi pa ni Hontiveros na noong April 2019, napaulat na tinarget ng isang Chinese cyber espionage group na kilala bilang APT10 ang government at private organizations sa Pilipinas.
Sa parehong buwan, natuklasan din ng Analytics Association of the Philippines ang Chinese-related scripts na ipinasok sa source codes ng government websites, kabilang ang website ng Philippine Navy.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.