Michelle nakipag-ayos na kay Tekla: Sobrang stress na po ako at para na rin sa anak namin | Bandera

Michelle nakipag-ayos na kay Tekla: Sobrang stress na po ako at para na rin sa anak namin

Reggee Bonoan - October 27, 2020 - 12:48 PM

ALL’S well that ends well na para sa dating magka-live in na sina Super Tekla at Michelle Lhor Bana-ag.

Kinumpirma ito mismo ni Michelle sa programa ni Raffy Tulfo kahapon, pero hindi na sila muling magsasama sa iisang bubong.

Bago nangyari ang pagbabati ay sasalang sana sa drug at lie detector test si Michelle para malaman kung nagsasabi siya ng totoo bago sampahan ng kaso si Tekla dahil sa umano’y pang-aabuso at pagpapabaya nito sa kanya at sa anak nila.

Sa nasabing programa, nabanggit ng Easy DNA na kakailanganin ng 100 strand ng buhok para sa drug test dahil hanggang 90 days ay kaya itong i-trace hindi katulad ng urine o blood test na madaling mawala kapag ininuman ng gatas o maraming tubig, base na rin sa paliwanag ng staff ng nasabing kumpanya.

At dahil nagkabati na sina Michelle at Tekla ay tinanong kung itutuloy pa ng una ang lie detector at drug test since wala na rin naman itong saysay.

“Isa rin po sa dahilan kung bakit nakipag-ayos na po ako ay dahil sobrang stress na ako at para na rin po sa anak ko kasi ayaw ko namang malaman niya paglaki kung anong nangyari sa amin ng tatay niya.

“Ang daming netizens po na galit na galit sa akin, sa pamilya ko, sa mga pamangkin ko at may pagbabanta pa. Totoong nagkamali po ako rati, nagkabisyo pero inaayos ko naman na ang buhay ko. Sana po huwag idamay ang mga pamangkin ko kasi pati pag-aaral nila nadadamay,” pakiusap ni Michelle sa publiko.

Ang kapatid daw ni Michelle ang tumawag kay Tekla para magkita at magkaayos sila. Ayon sa dating partner ni Tekla, nagkapirmahan sila ng kasulatan na ginawa ng manager ng komedyante na si Rose Conde at saka ito ipapanotaryo.

Ang hiling daw ni Tekla ay magbalikan sila ni Michelle pero hindi na nito kargo ang mga pamangkin pero tinanggihan ito ng huli at gusto na lang nitong maghiwalay sila at sustentuhan na lang ang anak nila.

Anyway, itinuloy pa rin ang lie detector test kay Michelle kasama  si Atty. Garret Tungol na napanood nga ng publiko sa YT channel ni Tulfo.

Dito napatunayang nagsasabi ng totoo si Michelle kaya lang nasilip ng abogado na walang lakas ang kaso kung itutuloy dahil unang-una nu’ng nagpaligaya raw sa sarili si Tekla ay may dahilan naman para umiwas ang ina ng anak para hindi sila matalsikan dahil hindi naman siya itinali o iginapos para hindi makaalis ng kuwarto.

Hindi rin daw siya pinupuwersang makipagtalik para sana puwedeng kasuhan ng marital rape. At higit sa lahat, hindi rin tatayo sa korte ang katwirang hindi sila pinapakain o hindi binibigyan ng pambili ng pagkain sa loob ng isang araw o dalawa kapag hindi siya pumayag na sumiping.

Kaya tama lang daw na nagkaayos ang dalawa para makaiwas na rin sa gulo at para sa ikatatahimik na rin nilang lahat.

At bago nagtapos ay humiling si Michelle ng tulong kay Raffy para sa upa ng tinutuluyan nilang bahay na tatlong buwan nang hindi nakakabayas pati pangkain.

“Huwag na po financial sir Raffy para walang masabi ang netizens, bayad lang po sa upa at pangkabuhayan para po kahit dito ako sa bahay may pinagkakakitaan po,” pahayag ni Michelle.

Sa tanong kung bakit hindi maghanap ng trabaho si Michelle, “Hindi pa po ngayon kasi ipapaayos ko pa po itong ngipin ko kasi hindi naman po ako tatanggapin pag sira.”

Sasagutin na ng radio host ang ngipin ni Michelle, ang apat na buwang renta ng bahay nila at pang-grocery.

Samantala, sa part 2 naman ng paglilinis ng condo ni Tekla na iniwan nina Michelle na sobrang dumi na ay malinis na ito at mukha na uling bahay.

Ayon kay Donita Nose na kaibigan ng komedyante, “Hayan makakatulog ka na nang maayos kasi malinis na lahat. Sa nagbigay po ng pambili ni Tekla ng mga bagong gamit (unan, bedsheet, gamit sa kusina at iba pa), maraming salamat po at ayaw niyang ipabanggit ang pangalan niya.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nagpasalamat din si Tekla sa lahat ng nagpakita ng suporta at nagparamdam ng pagmamahal sa kanya. At least daw hindi niya naramdamang nag-iisa siya dahil muntik na raw siyang tumalon. Sa ngayon ay tanggap na niya ang lahat at magmu-move on na siya.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending